‘PROOF OF LIFE’ SA CEBU LANDSLIDES

CEBU LANDSLIDE

BAHAGYANG tumaas ang pag-asa ng mga miyembro ng search and rescue team makaraang ma-detect mula sa ginamit na thermal scanner ang heartbeat sa ilalim ng gumuhong lupa sa Barangay Tinaan, Naga City, Cebu.

Ang thermal scanner o infrared camera ay isang kagamitan na kayang maka-detect ng heartbeat ng isang tao sa ilalim ng gumuhong lupa.

Nang ma-detect ng mga rescuer ang tibok ng puso ay lalong nagpursige ang mga ito na may mahuhukay pa silang buhay na biktima.

Base sa pinakahuling datos, umakyat na sa 46 ang naitalang patay sa trahedya, siyam ang naisalba habang hindi bababa sa 40 ang missing at mahigit 2,000 naman ang nasa evacuation center.

Una nang isinisi sa quarrying ng isang cement plant ang sanhi ng pagguho at nagkataon naman na sumungit ang panahon sa lugar.

Samantala, ang grupong Pusyon Kinaiyahan ay magsasagawa ng martsa na tinatawag nilang “Martsa kontra Mina” bukas, Setyembre 25.

Magsisimula ang martsa, alas-7:30 ng ­umaga mula sa lungsod ng Naga hanggang sa Cebu Provincial Capitol.

Layunin ng nasabing aktibidad ay ang ipakita ang kanilang buong puwersa sa paghingi ng hustisya para sa mga nabiktima ng malawakang landslide sa siyudad.

Nanawagan din ang mga Sugbuanon na suportahan ang kanilang hakbang para sa mga biktima. EUNICE C.

Comments are closed.