PROS & CONS SA EXPORTATION NG PHILIPPINE PINEAPPLES

HINDI maitatanggi na ang pinya ay isa sa pinaka-popular na prutas sa buong mundo.

Tunay na matamis, makatas at masarap ang produktong ito.

Kung tatanungin mo naman ang mga eksperto, mahalaga ito sa ating kalusugan dahil nakapagbibigay ito ng nutrients na kailangan ng ating katawan upang maging malusog at malayo sa ilang mga sakit.

Tadtad ng bitamina at mineral ang pinya tulad ng Bitamina A, C, calcium, phosphorus at potassium at mayaman din ito sa fiber at calories.

Sabi nga, ang pinakamaganda sa prutas na ito ay mababa sa fat at cholesterol habang lahat ng nutrients na nakukuha sa pagkain nito ay may magandang benepisyo sa atin.

Tumutulong ito na makaiwas tayo sa ubo at sipon bunsod ng taglay nitong Bitamina C.

Dapuan ka man daw ng ubo, sipon o lagnat, mabilis ka ring gagaling.

Mayroon kasi itong “bromelain” o isang uri ng proteolytic enzyme na epektibo upang hadlangan ang ubo at matanggal ang plema.

Nakapagpapabilis ng paggaling sa may sakit ang pagkain ng pinya habang umiinom ng tamang gamot na reseta ng doktor.

Kilala rin ang pinya sa kakayahan nito na panatilihing malakas ang ating mga buto.

Sagana kasi ito manganese na napag-alaman na kailangan ng ating katawan sa pagkakaroon ng matibay na buto at mga nag-uugnay na kalamnan.

Makakakuha tayo ng 73 porsiyento ng manganese na kailangan ng katawan sa pagkain natin ng isang tasa ng pinya.

Marami na ring gumagawa ng soap bar, body wash, shampoo mula sa katas ng pinya.

Nakakagawa rin ng bags, coin purse, sapatos at damit mula sa pineapple fiber.

Kaya kahit ang mga dayuhan ay tinatangkilik ang mga produkto natin mula sa nasabing prutas.

Aba’y hinimok tuloy ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Washington na payagan ang pag-e-export natin ng pinya sa mainland America.

Isa raw ang usaping ito sa mga natalakay sa isang landmark bilateral meeting sa pagitan nina Trade Secretary Ramon Lopez at United States Trade Representative (USTR) Katherine Tai kamakailan.

Kinumpirma rin ni Lopez na katanggap-tanggap ang mitigating measures na inilatag ng US Animal and Plant Health Service (APHIS) para sa pagpasok doon ng Philippine pineapples.

Noong 2019, ang Pilipinas ay naging second-largest exporter ng fresh pineapples sa mundo bunsod ng total shipments na higit 600,000 metric tons (MT), ayon na rin sa datos ng United Nations Food and Agriculture Organization (FAO).

Kaya naman, noon pang 2021 ay gusto na talaga ng gobyerno na makapag-export ng mas maraming pinya sa Estados Unidos.

Pag-uusapan pa naman daw nina Lopez at Tai ang iba pang mga hakbang na maaaring gawin ukol dito.
Interesado rin pala si Lopez sa processing at packaging ng Alaskan seafood.

Mukhang maganda naman ang mga planong ito.

Gayunman, sa pagpoproseso ng seafood mula sa Alaska, aba’y mukhang malabo ito.

Ang mas maiging gawin siguro ng DTI ay isulong ang paggawa ng sariling atin at hindi ‘yung tayo lamang ang magpoproseso ng mga produkto (seafood) galing sa ibang bansa at kapag nagawa o naiproseso na ay saka naman natin irere-export o ibabalik sa kanila.

Tila outsourcing ang nais gawin ng ahensiya rito.

Ngunit sa usapin naman ng eksportasyon ng pinya, mukhang maisasakatuparan lamang ito kung mapalalakas pa ng Pilipinas ang produksiyon ng nasabing produkto.

Dapat tutukang maigi, hindi lamang ng DTI at kundi ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan, ang sektor ng agrikultura.

Pataasin pa ang produksiyon at itodo ang suporta sa mga malalaki at maliliit na magsasaka.

Dapat din sigurong paigtingin pa ang kampanya laban sa katiwalian at smuggling ng mga prutas at gulay na siyang pumipilay sa lokal na industriya.

Mahalaga talagang paunlarin pa ang agrikultura sapagkat napag-iiwanan na tayo ng ibang bansa.

Nakalulungkot isipin na ang lahat ng tao ay kumakain pero tila hindi napaprayoridad ang pagpaparami sa pagkain.

Kaya kung mayroon mang dapat atupagin o iprayoridad ang kasalukuyan at susunod na gobyerno, ito ay ang sektor ng agrikultura na sinasabing naghihingalo na.