MAS mabilis na ngayon ang proseso ng pamamahagi ng lupa sa ilalim ng land acquisition and distribution (LAD) component ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), ayon sa Department of Agrarian Reform (DAR).
Sinabi ni DAR acting Undersecretary for Field Operations Office Elmer Distor na mula sa anim na buwan ay apat na buwan na lamang ang magiging proseso.
Aniya, minamadali ng DAR ang distribusyon ng lupa alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte. Nais ni Duterte na tapusin ang pamamahagi ng lupa bago matapos ang kanyang termino sa Hunyo 2022.
“Ngayong pinasimple na ang proseso ng pagkuha at pamamahagi ng lupa, tiwala kami na matutupad sa lalong madaling panahon ang mga pangarap ng ating agrarian reform beneficiaries (ARBs) na magkaroon ng sariling lupa,” sabi ni Distor.
Dagdag pa niya, ang pagpapabilis sa proseso ay bilang tugon na rin sa kahilingan ng mga magsasaka na naghihintay ng mahabang panahon para sa katuparan ng kanilang mga pangarap — ang magkaroon ng sariling lupang sakahan.
“Ito mismo ang dahilan ng pagsasaayos ng proseso upag mapaikli ang paghihintay at lalong mapasaya ang ating mga magsasakang-benepisyaryo.” PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.