MAGANDANG balita dahil umuusad na ang proseso upang maging ganap na santo ang isa pang Pinoy.
Sa isang banal na misa na idinaos sa Immaculate Conception Cathedral of Cubao nitong Agosto 28, inianunsiyo ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang pormal nang pagbubukas ng Sainthood cause para sa 17-anyos na Pinoy na si Darwin Ramos, na una nang idineklara ng Vatican bilang isang ‘Servant of God,’ pitong taon matapos siyang bawian ng buhay.
“With this, I declare the opening of the diocesan inquiry on the life, virtues, and reputation of holiness of the Servant of God Darwin Ramos in accordance with the laws of the church,” ayon sa obispo.
“He (Ramos) was known to be a simple and holy man,” aniya pa. “This whole process is not just about his life but also about us. We are all called by God to holiness.”
Isinumite na rin umano ni postulator, French Dominican Fr. Thomas de Gabory, sa obispo ang mga dokumento na nagdedetalye sa buhay ni Ramos, gayundin ang mga testigong kinapanayam, ang mga testimonya at ang pormal na ‘petition to introduce the cause.’
Isang investigative body rin ang binuo na magsasagawa ng dokumentasyon sa buhay ni Ramos.
Sa sandaling matapos ang dokumentasyon mula sa local inquiry ay ipadadala ito sa ‘Vatican Congregation for Saints’ Causes, na siyang magrerebisa ng mga nakalap na impormasyon.
Kung mapapatunayang nagkaroon ng isang ‘heroic life of Christian virtues,’ si Ramos ay idedeklarang isang “venerable.”
Ang mga susunod na hakbang naman upang tuluyan na siyang maging santo ay ang beatification at canonization.
Sa rekord ng Simbahan, nabatid na si Ramos ay lumaki sa Pasay City at kalaunan ay natuklasang may taglay itong sakit na Duchenne muscular dystrophy.
Sa kabila ng kanyang kondisyon, sinikap niyang makatulong pa rin sa mga batang lansangan.
Nabinyagan siya noong 2006 at tumanggap ng sakramento ng unang komunyon at kumpil nang sumunod na taon.
Patuloy namang lumala ang pisikal na kondisyon ni Ramos ngunit higit pa itong naging dahilan upang magkaroon siya nang mas malalim na relasyon kay Hesukristo, hanggang sa tuluyan siyang bawian ng buhay noong Setyembre 23, 2012.
Sa kasalukuyan ang Filipinas ay may dalawang santo, kabilang sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.