‘PROTECTED AREAS’ SA PH DINAGDAGAN

UPANG masiguro ang ibayong biyaya, kaligtasan at iba pang kapakinabangan, lalo na para sa mga susunod na henerasyon, inaprubahan ng House Committee on Natural Resources ang pagdedeklara sa karagdagang 13 protected areas sa bansa.

“We have to protect, regrow and preserve them for the benefit, enjoyment and appreciation of future generations of Filipinos. For instance, watersheds, hills and mountains are among our primary sources of water,” ang pahayag ni Cavite 4th Dist. Rep. Elpidio Barzaga, chairman ng nasabing komite, matapos ang pagpapaloob sa Republic Act No. 11038 o ang Expanded National Integrated Areas System (ENIPAS) Act of 2018 ng 13 lugar, mula sa walong lalawigan.

Kabilang sa mga bagong protected area ang Mt. Arayat sa Pampanga; walong watersheds sa bahagi ng Occidental Mindoro at Oriental Min­doro Oriental; isang grupo ng mga maliliit na isla sa Carles, Iloilo; Tugbo watersheds na nasa   Masbate City at Mobo, Masbate; ang Hinakpan Mystical Hills sa Guihulangan, Negros Oriental at angTirad Pass landscape sa Gregorio del Pilar, Quirino hanggang sa mga bayan ng Sigay, Cervantes at  Suyo sa Ilocos Sur.

Ayon kay Barzaga, karamihan sa nasabing mga lugar ay labis na  nagamit sa komersiyo, at pagkalipas ng ilang taon ay hindi maitatagong grabeng naabuso at halos mapabayaan.

Sinabi ng ranking House official na marapat lamang na agad kumilos ang pamahalaan, kabilang silang nasa Kongreso, para tuldukan ang nangyaya­ring ‘environment and natural resources exploitation’’ at magpatupad ng mga hakbang para mapangalagaan ang nabanggit na mga lugar bago pa tuluyang masira ang mga ito at hindi na mapakinabangan.

Dahil idineklarang ‘protected areas’, ang naturang mga lugar ay isasailalim sa pamamahala at pagbabantay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung saan paglalaanan din ito ng kinakailangang pondo hindi lamang para sa proteksiyon nito kundi maging sa layuning mapagyaman pa ang mga ito.   ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.