INIUTOS ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang pagpapalawak sa Protein -Enriched Copra Meal (PECM) commercialization project sa Western Visayas Region (Region VI), na naglalayong palakasin ang lokal na livestock production sa pamamagitan ng pagpapanatili ng mura at alternatibong pagkunan ng protina para sa mga hayop.
Ang naturang proyekto ay inilunsad noong 2022 bilang tugon sa pagkaantala ng suplay dulot ng COVID-19 at ng nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng Russia at ng Ukraine.
Paliwanag ni Tiu Laurel, sinimulan ang PECM project sa CALABARZON (Regions IV-A) at SOCCSKSARGEN (Region XI). Layunin ng proyekto na pagaanin ang tumataas na halaga ng pakain sa hayop. Ang proyekto ay gumagamit ng copra meal– na produkto ng pagtatanim ng niyog bilang murang pamalit sa imported na pagkaing soybean, na lalong nagmahal dahil sa isyu sa pagdaigdigang supply chain.
Ang PECM ay ginawa sa pamamagitan ng solid-state fermentation process at dinebelop ng University of the Philippines- Los Baños Biotech Center sa mas pinahusay na copra meal protein content na hanggang 45 percen at maihahalintulad sa soybean meal.
Ang mas pinagyamang copra meal ay matagumpay na naihalo sa pagkain ng finfish at hipon, at sinubukang ipakain ang 200 kilos ng PECM sa kada tonelada ng finfish at 100 kilos per ton sa hipon na nagresulta sa 3.9 percent at 0.4 percent kabawasan sa gastos sa feeds, kumpara sa karaniwang commercial feeds.
Sinabi ni Tiu Laurel na ang pagpapalawak sa PECM project sa Western Visayas ay inaasahang pakikinabangan nang husto ng mga lokal na magsasaka at mga gumagawa ng feeds sa rehiyon na nahihirapan sa tumataas na presyo ng tradisyunal na sangkap sa feeds.
“Ang programa ay hindi lamang makatutulong na mabawasan ang gastos sa feeds kundi masusuportahan din ang lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng pagbuo ng bagong markets para sa niyog at by-products nito na kalimitang hindi masyadong nagagamit,” sabi ni Tiu Laurel.
Aniya, bagama’t natapos na ang COVID-19, nagpapatuloy naman ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine na nagresulta sa pagkagambala ng pandaigdigang supply chain sa sangkap sa feeds, kaya tumaas ang presyo ng mga mahalagang kalakal gaya ng soybean meal, feed wheat at mais.
Ang patuloy na tensiyon sa pagitan ng Russia at Ukraine ay nagdulot ng 30 percent na pressure sa pandaigdigang feed grain supply na lalong nagpataas sa presyo ng feeds.
Ang PECM project ay kolaborasyon sa pagitan ng Department of Agriculture (DA), Department of Science and Technology – Philippine Council for Agriculture , Aquatic , and Natural Resources Research and Development, UP Los Baños, at iba’t ibang kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka. Ma.Luisa Macabuhay- Garcia