PROTEKSIYON AT DAGDAG BENEPISYO SA FREELANCE WORKERS SA HB 6718

IPINASA  ng Kamara nitong nakaraang Miyerkoles ang Freelance Workers Protection Act (HB 6718) na magbibigay ng akmang proteksiyon, karapatan at ibayong mga pakinabang sa ‘freelance workers’ o mga libreng manggagawa sa bansa na nagtatrabaho para sa mga kompanya ngunit hindi nila empleyado.

Pangunahing inakda ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na chairman ng ‘House Ways and Means Committee’ ng Kamara, layunin ng HB 6718 na isulong ang proteksiyon, karapatan, kagalingan at ibayong mga pakinabang ng ‘freelancers’ kasama ang ‘mandatory hazard pay at night shift differential pay.’

Sa ilalim ng panukalang batas, kailangang may pirmadong kontrata ang ‘freelance workers’ at mga humihirang sa kanila kung saan malinaw na nakasaad ang mga kundisyon ng pagkakahirang sa kanila, ang mga tungkulin nilang gagampanan, ang bayad at ibang pakinabang nila, ang tagal ng kanilang pagseserbisyo, ang mga batayan ng paglabag sa kontrata at iba pang kundisyon na ipag-uutos ng Department of Labor and Employment (DOLE). Nauna nang naipasa ng Kamara ang panukalang batas noong Marso 2021 sa ilalim ng ika-18 Kongreso, ngunit hindi ito naisabatas.

Ayon kay Salceda, sa kasalukuyang Labor Code, walang kategoryang ‘freelance worker’ at wala ring paliwanag tungkol dito, bagama’t sa bansa mahigit 1.5 milyon na sila bago pa nagka-pandemya. Layunin itong tugunan ng HB 6718.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang ‘freelance worker’ ay ïsang taong nagtatrabaho para sa isang kompanya, maging korporasiyon man itong rehistrado sa Securities and Exchange Commission o isang ‘single proprietorship’ na rehistrado sa Department of Trade and Industry, o kaya isang ‘self-employed’ na rehistrado sa Bureau of Internal Revenue, at hinirang na magserbisyo kapalit ng kaukulang bayad sa kanya, o isang malayang kontraktor na gumagawa ng trabahong ayon sa sarili niyang pamamaraan ngunit hindi siya kontroladong empleyado ng humihirang sa kanya,” maliban sa bunga o resulta ng kanyang trabaho.

“Kung itoý maisasabatas, kapwa may hawak na pirmadong maliwanag na kontrata ang ‘freelancer’ at himihirang sa kanya kung saan maliwanag na nakasaad ang mga serbisyong gagampanan ng ng ‘freelance worker,’ ang kanyag TIN, ang detalye ng pagbabayad at mga benipisyo para sa kanya, ang mga batayan ng paglabag sa kontrata, at iba pang mga kundisyon na ipag-uutos ng DOLE,” paliwanag ng mambabatas.

“Sa ilalim HB 6718, ang mga ‘freelancers’ na oobligahing manatili sa labas sa gabi ay dapat na magkaroon ng hindi bababa sa10 porsiyentong karagdagang bayad sa trabahong gagawin sa pagitan ng ika-10 ng gabi at ika-6 ng umaga, batay sa napagkasunduan niyang sasahurin sa bawat oras ng regular na trabaho, maliban kung may higit na mataas na ibibigay na pakinabang,” dagdag niya.

Para naman sa mga ‘freelance worker’ na itatalaga sa mapanganib na mga lugar, gaya ng kung saan may digmaan, matinding hawaan ng sakit, ‘radiation’ o nasa ilalim ng kalamidad, dapat din silang bigyan ng ‘hazard pay’ na katumbas ng 25 porsiyento ng napagkasunduan sa kontrata.

Itinatalaga rin ng HB 6718 ang sibil na multang P50,000 hanggang P500,000 sa mga humihirang para sa mga ilegal na pamamaraan at gawain gaya ng mahigit na 15 araw na atrasadong pagbabayad sa mga ‘freelancers’ batay sa nakasaad sa pirmado nilang kontrata, o kaya sa pagpilit sa mga manggagawa na tanggapin nila ang kabayarang mababa kaysa kanilang napagkasunduan.