PROTEKSIYON LAYON NG DIVORCE BILL NI ROBIN

PROTEKSIYON at hindi pagsalungat sa pag-aasawa ang layunin ng panukalang batas ni Senador Robin Padilla para sa divorce o ang pagpapawalang bisa ng kasal.

Iginiit ni Padilla na bagaman hindi siya kontra sa “forever” na kasal, may mga kasal na “nasira” na dahil sa problemang hindi na malulunasan pa.

“Hindi po ito kailanman na sumasalungat sa pag-aasawa. Hindi ito isang bagay na kami ay kontra na magkaroon ng forever. Katunayan, ito pong panukalang ito ay nagbibigay ng proteksiyon unang una sa mag-asawa – babae at lalaki at sa kanilang mga magiging anak,” ani Padilla sa kanyang Facebook live nitong Linggo.

“Sabi nga po nila, baka raw itong panukala ang sisira sa kasal. Ay, hindi po! Itong panukalang ito ang nagbibigay proteksiyon sa kasal na masakit man sabihin ay sira na,” dagdag ng senador.

“Wala tayong sinisirang pamilya. Pinroproteksyunan natin ang hindi magkasundo,” diin ni Padilla.

Ani Padilla, ang Pilipinas na lang ang bansa sa buong mundo maliban sa Vatican City na walang divorce samantalang ayon sa Social Weather Stations survey noong 2017, 53% ng Pilipino ang pabor sa divorce para sa hindi magkakaayos na mag-asawa.

Bagama’t maaaring magpa-annul ng kasal sa Pilipinas, ito ay isang prosesong magastos. “Paano kung walang pera?” tanong ni Padilla.

Dapat din proteksiyunan ang kababaihan na naghiwalay sa asawa at nagsama sa iba dahil bukod sa pagtsitsismisan ito, maaaring maituturing na “bastardo” ang anak nito sa bagong partner, ayon kay Padilla. “Unfair eh,” aniya.

Sa ilalim ng panukalang batas, maaaring magpasa ng petisyon ang mag-asawa upang ipawalang bisa ang kasal ayon sa ilang batayan, kasama ang:

* Kapag ang alinman sa mga mag-asawa ay walang kapasidad na gampanan ang mahahalagang obligasyon sa kasal at pagpapatuloy ng kawalang kapasidad at hindi na ito maisasaayos pa;

* Kapag may umiiral na hindi mapagkakasunduang pagkakaiba ng mag-asawa;

* Kung ang asawa ay nagpawalang bisa ng kasal sa ibang bansa;

* Kapag ang isang asawa ay ipinapalagay na namatay na alinsunod sa Artikulo 390 at 391 ng Kodigo Sibil ng Pilipinas;

* Kung nahatulan ng isang paglabag alinsunod sa 2004 “Anti-Violence Against Women and Their Children Act,” Republic Act No. 9262;

* Pagtatangka sa buhay ng kanilang anak o ang anak ng nagpasa ng petisyon;

* Pagkakaroon ng anak sa ibang tao liban sa anak ng asawa sa panahong kasal ito, maliban kung ang mag-asawa ay sumang-ayon dito at ang bata ay ipinanganak sa kanila sa pamamagitan ng IVF o sa pamamagitan ng isang katulad na pamamaraan o kapag ang asawa ay nagsilang ng isang anak pagkatapos na maging biktima ng panghahalay;

* Kung makikita ang ilang batayang itinatakda ng annulment ng kasal alinsunod sa Family Code ng Pilipinas;

* Paulit-ulit ng pananakit o mahalay na pang-aabuso na direktang isinagawa laban sa taong nagpetisyon, ang kanilang anak, o anak ng nagpetisyon;

* Kapag ang mag-asawa ay hiwalay nang hindi bababa sa dalawang magkasunod na taon sa oras na inihain ang petisyon sa diborsiyo; at

* Kapag ang mag-asawa ay legal na naghiwalay sa pamamagitan ng judicial decree sa ilalim ng Article 55 ng Family Code ng Pilipinas.

May “mandatory cooling-off period” sa ilalim ng panukalang batas matapos ang paghahain ng petisyon.

Ang petisyon ay maaaring ibasura sa oras na ipinakita ng dalawang partido ang pagkakasundo sa isang beripikadong joint motion. Maaari ring ibasura ang petisyon kung maipakita ang sabwatan sa mga partido. VICKY CERVALES