MAKASISIGURO ang sambayanan na mapangangasiwaan nang wasto ang estado ng professional sports at mabibigyan ng sapat na proteksiyon ang mga atletang Pinoy laban sa mga mapagsamantala sa pangangasiwa ng bagong liderato sa Games and Amusements Board (GAB).
Iginiit ni GAB Chairman Richard Clarin na masinsin ang pagpupursigeng ginawa ng mga dating lider sa ahensiya at handa siyang paigtingin ang mga naiwang programa batay sa tatlong adbokasiya – promote, professionalize, and protect.
“The mandate of GAB is to promote professional sports, not just boxing, but all sports. Regardless if the sports is lucrative or not, trabaho po natin na mapangasiwaan nang tama at naaayon sa batas ang lahat ng pro sports tulad ng chess, billiards, at e-sports.
“Mula sa supervision, dinagdagan natin ng support by creating program na makapagbibigay kaginhawaan para sa lahat lalo na yaong mga boxers na walang mga laban o naghihintay na magkaroon ng laban, siyempre, kailangan ng mga iyan ng training to keep them in top shape,” pahayag ni Clarin sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ forum nitong Huwebes sa PSC Conference Room sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Manila.
“‘Yung programa natin basta may lisensiya ng GAB makakakuha ng 10% discount sa lahat ng Go Hotels sa bansa, may 15% naman sa mga partner restaurants, habang ‘yung mga gustong gumamit ng gym lalo na yaong mga boxers natin na walang mga laban ay patuloy pa ring makapag-eensayo na hindi na kailangan pang magbayad. Alam naman natin na ‘yunh 100 pesos para sa gym eh malaking halaga sa ating mga atleta,” aniya.
Ayon kay Clarin, naka-post sa GAB Facebook page ang listahan ng mga establisimiyento na pakner sa nasabing programa at maaari ring magtungo sa tanggapan ng ahensiya ang lahat ng mga nagnanais para makakuha ng kopya.
Sa aspeto ng pagiging propesyunal, plano ni Clarin na ibatay ang rules and regulation sa ipinatutupad ng iba’t ibang professional body tulad ng World Boxing Council, World Boxing Association at International Boxing Federation.
“Gawin nating international ang guidelines. Isasailalim din natin sa financial literacy program ang ating mga atleta para sa ganoon ay matutunan nilang maisaayos ang paghawak sa pera. Marami kasi sa kanila lalo na yaong mga bikxers, ‘pag nakatiyempo nang maganda, kumita nang malaki, naku one-day millionaire. ‘Yung iba na nais magpunta sa ibang sports kailangan ay mabigyan natin ng sapat na training program,” pahayag ni Clarin sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission at Behrouz Persian Cuisine.
Nagbabala naman si Clarin sa mga magtatangkang promoters, matchmakers, managers o grupo na manloloko at mang-aabuso sa atleta na haharapin nila ang ngitngit ng GAB at sisiguraduhing mabubura sila sa mundo ng professional sports.
“May kapangyarihan ang GAB na bawiin ang mga lisensiya at talagang blacklisted sa atin ‘yang mga lalabag sa batas. Kaya panawagan ko sa lahat, magsumbong kayo sa GAB kung kayo ay nalo2ko, samantalahin ninyong abogado ang inyong chairman at paparusahan natin ang mga abusado,” sabi ni Clarin, isang corporate lawyer.
EDWIN ROLLON