PROTEKSIYON NG DEPOSITORS VS SCAMMERS PINABUBUSISI

Joey Sarte Salceda

HINILING sa Kamara ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, na busisiin nito ang sistema kung paano pino-proteksiyunan ng mga bangko ang kanilang mga nagde-depositong kliyente laban sa mga hacker at scammers na bumibiktima sa kanila.

Ayon kay Salceda, ang mahinang cybersecurity o proteksiyon laban sa  scammers ay maaaring magbunga ng kawalan ng tiwala sa mga bangko ng depositors sa kanila at kalaunan ay megdesisyong itago na lamang sa ilalim ng kanilang kutson ang pera nila kaysa nakawin ito ng mga ‘online criminals.’

Maghahain agad si Salceda ng resolusyon sa House Committee on Banks and Financial Intermediaries upang suriin nito ang antas ng proteksiyon ng mga bangko sa bansa sa kanilang mga kliyente, at hiwalay na resolusyon sa House Committee on Public Accounts upang malaman naman ang kahandaan ng mga cybercrime prevention units sa ilalim ng batas ng Cybercrime ng bansa.

Nanawagan ang mambabatas sa Senado na aprubahan nito agad ang House Bill 6768 o ‘Consumer Financial Protection Act,’ na  akda niya at ipinasa ng Kamara noon pang Hunyo 2020 at ngayon ay naghihintay ng aksiyon ng mga senador.

Layunin ng HB 6768  na ibayong maproteksiyunan ang mga karapatan ng financial consumers laban sa mga pinansiyal na pandurugas at pandaraya. Kasama sa financial consumers ang mga bumibili, umuupa, o tumatanggap ng mga produkto o serbisyong pinansiyal gaya ng pag-iimpok, pautang, ‘insurance’ o seguro, ‘pre-need’ o plano para sa hinaharap, at mga pamumuhunan at produkto ng mga organisasyong pangkalusugan.

“Nakakalungkot na wala pa tayong komprehensibong balangkas ng proteksiyon para sa mga gumagamit ng ‘online financial services’ ngayon. Hinaharap ang ganitong mga kaso ng ating Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) depende sa situwasyon dahil wala pang batas tungkol dito, kaya walang habas at buong tapang na nambibiktima ang mga ‘scammers’ dahil hindi ito mahaharap agad ng BSP,” paliwanag ni Salceda.

Kasama sa mga natatanging probisyon ng HB 6768 ang pagbibigay karapatan sa mga biktima ng cybercrimes na magreklamo sa BSP na inaatasan namang maghain ng hiwalay na kaso laban sa ‘scammers’ kung hindi ito gagawin mismo ng nakasangkapang banko.

“Sadyang kulang pa ang cybersecurity at proteksiyon natin laban sa mga pandurugas sa pamamagitan ng ‘online financial services.’ Ang ating mga sistema sa ‘user verification and identification’ ay madaling sagasaan o balewalain,” puna ni Salceda.