PINALALAKAS ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga polisiya nito upang mapaigting ang proteksiyon ng overseas Filipino workers (OFWs).
Sa Post-SONA (State of the Nation Address) discussion sa Education and Workers Welfare Development sector sa Pasay City nitong Miyerkoles, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na bumuo ang DMW ng mas maraming bilateral agreements sa destination countries ng OFWs.
Magmula sa kanyang unang SONA, sinabi ni Cacdac na naging malinaw ang Pangulo hinggil sa kanyang posisyon na protektahan ang lahat ng OFWs.
Kaya naman sinimulan ng ahensiya ang serye ng pakikipag-usap at kasunduan, pangunahin sa Saudi Arabia, ang host country na may pinakamaraming OFWs, upang mapagbuti ang standards ng proteksiyon nito.
Sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay lumitaw na hanggang noong 2022, sa kabuuang 1.96 million OFWs, nasa 23.0 percent ang nagtrabaho sa Saudi Arabia, habang 13.7 percent sa United Arab Emirates.
“Saudi Arabia with the reopening of the domestic worker market especially the standard contract has been reviewed to provide stronger protection for domestic workers in terms of providing safer standard, safer living and working conditions at home in their employer households,” ani Cacdac.
Pinag-aaralan ng ahensiya ang live-out arrangement para sa domestic workers, na pinaka-vulnerable kapag nakatira sa kanilang employers. Gayundin, ang nararapat na insurance na kinabibilangan ng health coverage at wage protection ay isinasama na rin sa arrangement.
Bukod sa Kingdom of Saudi Arabia, binuksan din ng DMW ang linya ng bilateral labor relations at cordial discussions nito sa iba pang top destination countries para sa OFWs sa Middle East tulad ng United Arab Emirates (UAE), Kuwait, at Qatar.
Ayon kay Cacdac, katatapos lamang ng DMW, Department of Foreign Affairs (DFA), at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa joint committee meeting sa UAE na magbibigay-daan para sa mas malakas na proteksiyon para sa OFWs.
Makikipagpulong din ang ahensiya sa Qatar upang talakayin ang arrangements upang higit na maprotektahan ang OFWs.