PROTEKSIYON SA CONSUMERS PAIIGTINGIN, ‘INTERNET TRANSACTIONS ACT’ ITINUTULAK

SEN GATCHALIAN-3

DAHIL sa lumalaking bilang ng mga nagpaparehistro ng online business, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang panukalang ‘Internet Transactions Act’ upang magkaroon ng istriktong regulasyon na poprotekta sa mga mamimili mula sa mga mapanlinlang at kaduda-dudang transaksiyon  o bentahan sa internet.

Ang Senate Bill 1591 ay naglalayong baguhin ang regulasyon ng online transaction sa bansa at gawing patas para sa kapakanan ng mga mamimili lalo na’t nakaga-wian na ng marami ang pagbili ng mga produkto sa online ngayong panahon ng pandemya.

Ayon kay Gatchalian, dahil mabilis ang transaksiyon sa e-commerce, nababahala siya  na maakit ang mga tao na bumili ng mga produkto na maglalagay naman sa kanila sa kapahamakan.

Sa isang pagdinig sa Senado, inihalimbawa ni Gatchalian ang mga ibinebentang supplement sa iba’t ibang online shopping platform na lingid sa kaalaman ng marami ay maaaring hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration o FDA.

Kaya nanawagan si Gatchalian sa Department of Trade and Industry (DTI) at sa mga online shopping platform na ayusin ang mga panuntunan para mapanagot ang mga tiwali.

“Walang habol ang online buyers kung may problema sa nabili nilang produkto. Kaya ito ang nais ayusin sa aking inihaing panukalang batas – na papanagutin ang mga gumagawa ng mga mapanlinlang na transaksiyon sa internet, lalo na’t napakalawak ng merkado at padami nang padami ang mga nagpapa-register ng online busi-ness,” ayon kay Gatchalian.

“Patuloy na nangyayari ang mga ganito.  Ano ba’ng ginagawa ng mga online shopping platform para mahinto ang mga ganitong iligal na transaksiyon?,” tanong ni Gatchalian.

Umabot sa 73,276 ang bilang ng mga online business na nagparehistro  sa DTI mula March 16 hanggang August 31, kumpara sa 1,753 na mga nagpatala bago mag-lockdown.

Ayon kay Gatchalian, ang Senate Bill 1591 o ‘Internet Transactions Act’ ay naglalayong masolusyunan ang mga problema sa e-commerce tulad ng imprastraktura sa internet, pagbubuwis nito at iba pang reklamo ng mga consumer sa online. VICKY CERVALES

Comments are closed.