(Proteksiyon sa delivery riders)KULONG, MULTA SA ONLINE PRANKSTERS

rider

KINAMPIHAN ni Sen. JV Ejercito ang mga delivery rider na nagiging biktima ng mga pekeng order.

Inihain ni Ejercito sa Senado ang panukalang batas na magpapataw ng parusa sa mga pekeng order na nagiging dahilan para maagrabyado ang mga delivery rider.

Layon ng Senate Bill No. 1234 o ang Delivery Riders Protection Act ni Ejercito na mabigyang proteksiyon ang mga naghahanapbuhay na riders.

Sa ilalim ng panukala, bawal ang mga sumusunod:

– Paggamit ng impormasyon ng ibang tao

– Pagkansela ng confirmed orders

– Mga hoax order

– Pagtanggi sa ‘di bayad na order

Maaaring mapatawan ng parusang hanggang anim na buwan na pagkakakulong at multa na hanggang P100,000 ang mga lalabag sa nasabing batas.

Kumpiyansa si Ejercito na maipapasa ang nasabing panukala para matulungan ang mga delivery rider.

Malaking tulong, aniya, ito lalo ngayong lumalago ang online business. Kasabay ng paglago ng nasabing negosyo ay tumataas din ang insidente ng online pranksters.

“Incidentally, I filed a bill that will protect online sellers, delivery courier riders from pranksters and scams. Because of the booming online business, we’ve seen the rise of online pranksters victimizing our delivery riders,” ani Ejercito.

LIZA SORIANO