PROTEKSYON NG BPO WORKERS, IGINIIT

NAPAPANAHON na ang pangangalaga sa mga karapatan at pagprotekta sa mga manggagawa sa Business Process Outsourcing (BPO) industry sa bansa.

Sa Senate Bill No. 2235 na inakda ni Senador Lito Lapid, sinabi niya na mas lumawak at malaking paglago ang naitala ng BPO industry sa bansa sa nakalipas na dalawang dekada.

Ayon pa kay Lapid, ang Pilipinas ang lumilitaw na global leader sa BPO sector dahil sa kilala ang mga Pinoy na mahuhusay sa trabaho, magiliw at mas mababa ang pasahod kumpara sa developed countries sa abroad.

Nakilala aniya ang mga Pinoy sa buong mundo sa mataas na “English proficiency level” kaya mas pinipili ng BPO companies sa kanilang “voice-based services”, gaya ng “customer support” at “tele marketing”.

Inihayag pa ni Lapid na ang Pilipinas ay may 10-15% share sa global BPO market kaya naman tinatayang nasa $30 billion bawat taon ang naiaambag nito sa ekonomiya o katumbas ng halos siyam na porsyento ng Gross Domestic Product ng bansa.

Naitala noong 2019 na mahigit sa 1.3 milyong Pinoy ang nagtatrabaho sa BPO industry at patuloy pa itong lumolobo sa 8 hanggang 10 porsiyento kada taon.

“Kahit na nagkaroon ng outbreak ng COVID-19 sa buong mundo, naging malaking tulong ang BPO industry sa pagbibigay ng trabaho at pagsulong ng ekonomiya ng bansa.

Sa kabila nito, sinabi ni Lapid na hindi pa rin nabibigyan ng sapat na proteksyon at pangangalaga ang mga karapatan ng BPO workers, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng demands at nakapako sila sa results-oriented industry.

Nais ni Lapid na maitakda ang praktikal at pantay-pantay na patakaran sa BPO sector para mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga manggagawa at kapitalista nito.

“Kailangan natin na masiguro na may wastong pamantayan sa mga manggagawa sa BPO sector, kabilang na ang makataong pagtrato gayundin ang pagtiyak na regularisasyon, may sapat na mga benepisyo, prebilihiyo at maaliwalas na working conditions sa mga kompanya.

Bukod dito, mahigpit din na ipinagbabawal sa panukalang batas ang “understaffing” o “overloading” sa pagbibigay ng sapat na “ratio of BPO worker to client quota” o di kaya “quantitative targets”.

Hirit din sa Lapid bill ang “regularization” ng BPO workers at patatagin ang karapatan nila sa “self-organization”, lumahok sa “democratic exercises” at iba pa.

Sakaling ganap na maging batas, maaaring patawan ng parusa ang sinumang indibidwal o kompanya na lalabag sa mga probisyon nito, tulad ng pagbabayad ng P100,000 o pagkabilanggo ng hindi bababa sa dalawang taon at hindi lalagpas ng higit sa isang taon o depende sa hatol ng korte.