INIHAYAG ng Department of National Defense na mas higit pang tututukan ng Department of National Defense (DND), ang mga katubigan ng Pilipinas ngayong 2025.
Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro, mas paiigtingin ng kagawaran ang kanilang commitment para sa mas matatag na pangangalaga ng pambansang soberanya at pagtataguyod ng mga makataong pagpapahalaga, na sumasalamin sa kabuuang tema ng katatagan at pagkakaisa.
Sa ginanap na New Year’s Call sa Camp Emilio Aguinaldo ay tiniyak ni Sec Teodoro kasama ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas ang mas maigting na pangangalaga sa maritime domain ng bansa kasabay ng pangakong palalakasin ang kakayahan at kapabilidad ng militar.
Maging si Armed Forces of the Philippines chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ay nangako na tututukan ng husto ng militar ang teritoryo at seguridad ng mga katubigan ng Pilipinas ngayong taon.
Ibinahagi rin ni General Romeo S. Brawner ang kanilang prayoridad para sa taong 2025, at kabilang sa kanilang priorities ay ang patuloy na modernization ng Hukbong Sandatahan; enhancement sa mga defense capabilities, at pagtatatag ng mas malakas na presensiya.
Binigyang-diin ng pinuno ng Sandatahang lakas ng Pilipinas na palalakasin nito ang kanilang naval, aerial, ground at cyber capabilities na layong protektahan ang ating resources at maging ang teritoryo ng bansa.
Magugunitang tinapyasan ang pondo ng Defense Department sa ilalim ng 2025 national budget mula sa P50 billion ito ay naging P35 billion subalit tuloy pa rin ang AFP modernization program para sa taong 2025 sa ilalim ng Horizon 3.
Samantala, binigyang diin ng kalihim na dapat “hindi payagan ang Pilipinas na maapektuhan ng anumang mga baluktot na mga salaysay or fake narratives na isinisiwalat para lituhin at iligaw ang taumbayan maging ang mga kaalyadong bansa sa tunay na katotohanan.
Bagamat hindi binanggit nang tuwiran ang China o ang kasalukuyang tensyon sa West Philippine Sea (WPS), ngunit umaayon ang pahayag ni Teodoro sa mas malawak na tema ng katatagan, pagkakaisa, at pagtatanggol sa pambansang interes ng Pilipinas.
“Every life is precious, and ‘no one left behind’ is our commitment—not only to our people but also to our international commitments,” pahayag ni Secretary Teodoro.
Pinasalamatan din ni Teodoro ang mga foreign partners ng Pilipinas sa kanilang suporta sa pagpapanatili sa soberanya ng bansa at ang karapatan nito sa ilalim ng international law.
VERLIN RUIZ