PROTEKTAHAN ANG MGA BATA KAPAG MALAMIG AT BASA ANG PALIGID

PROTEKTAHAN ANG MGA BATA

(Ni CT SARIGUMBA)

KAPAG malamig at basa ang paligid, mas madaling kapitan ng iba’t ibang sakit ang mga bata. Humihina ang resistensiya ng mga ito lalo na kung hindi natin naibibigay ang tamang pag-aalaga, gayundin ang nutris­yong kailangan nila upang makalaban sa nagkalat na sakit sa paligid.

Dahil nagsisimula na ang pasukan at kasabay nito ang pagsapit ng tag-ulan, mara­ming magulang ang nag-aalala sa kaligtasan ng kanilang mga anak. Kapag nasa school ay hindi na nga naman natin sila nababantayan.

At upang maprotektahan sila ngayong tag-ulan kahit na hindi natin sila kasama o nasa eskuwelahan sila, narito ang ilang simpleng tips na puwede nating gawin:

BILHAN NG PROPER RAIN GEAR ANG MGA BATA

Importante ang pagkakaroon ng ating mga anak ng rain gear gaya ng payong, raincoats, scarf at rain boots nang may panlaban sila sa malamig na panahon at maulang paligid.

Ang scarf kasi ay magsisilbing pambalot sa leeg ng mga bata nang hindi ito malamigan at hindi rin sila magkasakit. Kaya’t bukod sa payong, rain boots at rain coat, isinama ko sa listahan ang scarf. Puwede rin ang pagpapadala ng sombrero sa mga anak.

Bilang nanay o magulang, ibili natin ang ating mga anak ng tamang panangga sa ulan. Sa pagbili, siguraduhing matibay ang mga ito nang hindi masi-ra kaagad. Puwede rin silang padalhan ng waterproof jacket.

PAALALAHANAN ANG MGA BATANG MAGING MAINGAT SA KAKAININ AT IINUMIN

Bukod sa pagpapadala ng proper rain gear sa mga bata, napakahalaga ring ipinaa­alala sa kanilang huwag basta-basta kakain at iinom ng kung ano-ano.

Maraming nabibi­ling pagkain at inumin sa eskuwelahan ngunit dahil maulan ang pali­gid, importanteng nasisiguro nating malinis ang mga ito.

O mas magandang gawin ng magulang ay ang pabaunan na lamang ang mga anak upang masigurong safe at healthy ang kanilang kakainin.

Tiyakin ding hindi madaling mapanis ang ipababaong pagkain.

Huwag ding kaliligtaang padalhan ng tubig ang mga bata upang mapanatiling hydrated ang kanilang katawan sa kabila ng lumuluhang paligid.

PAGDALAHIN NG EKSTRANG DAMIT

Kung minsan, kahit na may dala tayong rain gear may mga pagkakataon pa ring nababasa tayo ng ulan.

Ang mgandang paraan naman upang maging handa ay ang pagpapadala sa mga bata ng esktrang damit. Sakali nga namang mabasa ang mga ito, may magagamit na pampalit.

Kapag hinayaan nating basa ang damit ng ating mga anak, madali itong darapuan ng sakit.

Kapag basa kasi ang damit tila iniimbita nito ang mga virus na dumapo sa katawan. At kung mahina ang resistensiya, karaniwang dulot nito ang fe-ver at common colds.

PANATILIHING NAKA-CHARGE ANG CELLPHONE

Pabata na nang pabata ang gumagamit ngayon ng cellphone. Marami ring magulang ang pinapayagan ang kanilang mga anak na gumamit at magdala ng cellphone sa eskuwelahan upang may magamit ito sa mga panahon ng emergency. O matawagan agad ng magulang at ma-check kung okey ang bata kapag nasa school na.

At para magamit ang cellphone sa panahon ng pangangaila­ngan, siguraduhing naka-charge ito kapag aalis ng bahay ang anak at magtutungo sa school.

Sa panahon ngayon, isa sa mainam na gina­gamit sa komunikasyon ang cellphone. Pero siyempre, paalalahanan din silang kapag may klase ay hu-wag gagamit ng phone.

HUWAG HAHAWAKAN ANG MUKHA AT MATA

Mahalaga ring naibibilin natin sa ating mga anak na panatilihin nilang malinis ang kanilang mga kamay sa lahat ng panahon at pagkakataon. Sabihan silang madalas maghugas ng mga kamay.

Paalalahanan din ang mga ito na huwag hahawakan ang mukha, lalong-lalo na ang mata upang maiwasan ang eye infection.

IWASAN ANG PAGKAGAT NG KUKO

May mga kakilala ako na kapag kinakabahan o nakadarama ng stress, nginangatngat o kinakagat ang kuko. O kaya naman, kahit na nakaupo lang at nanonood ng telebisyon, nasanay nang  kagat-kagatin ang kuko.

Isa ito sa nararapat na iwasan dahil na rin sa duming maaaring makuha mula sa kuko at malipat sa bibig na nagiging sanhi naman ng pananakit ng ti-yan at iba pang sakit.

Kaya naman, banta­yan ang mga anak at kung nahihilig sila sa pagkagat ng kanilang kuko, payuhan ang mga itong itigil nang hindi pagmulan ng iba’t ibang sakit.

Makatutulong din kung gugupitin ng maikli ang mga kuko nang hindi pasukin ng dumi.

HUWAG HAHAWAK SA KUNG SAAN-SAAN

Isa sa problema ko sa anak ko ay kung saan-saan humahawak lalo na kapag nasa labas kami—sa opisina o kahit na sa mall.

Lahat ng makita niya, hinahawakan. Ma­ya’t maya tuloy ang paalala namin na huwag basta-basta hahawak sa kung saan-saan dahil mara­ming mikrobyo o du­ming makukuha mula roon. Natural sa mga bata ang humawak nang humawak sa kung saan-saan.

Kaya naman, bilang magulang ay dapat na­ting ituro at ipaalam sa kanila ang masamang epekto kung hahawak sila nang hahawak sa lahat ng bagay o gamit na makita o madaanan nila.

Pagdating naman kasi sa mga bata, kaila­ngan lang natin silang kausapin at paliwanagan upang maintindihan nila kung bakit ipinagbabawal ang isang bagay o gawain.

Sa simula ay hindi man  nila sundin o nakaliligtaan nila’t nagagawa pa rin, kung paulit-ulit naman nating ipinaa­alala, matatandaan nila’t darating din ang panahong hindi na nila ito gagawin. Importante ang kalusugan ng ating mga anak.

Kaya’t maging ma­ingat tayo, lalo na kapag tila umiiyak ang paligid. (photos mula sa mykidstime.com, self.com, rjcen-terprises.com, hercampus.com)