ISANG malawakang kilos-protesta ang ikinasa ng mga miyembro ng Customs Brokers Association sa Port of Manila sa susunod na linggo upang iparating ang kanilang mga hinaing sa mga kinauukulan kaugnay sa mabagal na proseso ng kanilang mga entry.
Ayon sa isang Customs broker na ayaw ipabanggit ang pangalan, usad-pagong ang takbo ng kanilang entry kung saan umaabot ito mula dalawa hanggang tatlong araw bago makarating sa assessment.
Ito umano ang nagiging dahilan ng pagkaantala ng kanilang mga kargamento sa loob ng Bureau of Customs (BOC).
Inalmahan ng grupo ang bagong patakaran na ipinatutupad ni District Collector Arsenia Ilagan na taliwas umano sa anti-red tape program ni Pangulong Rodrigo Duterte upang masugpo ang korupsiyon sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Sa halip na pagtuunan ng pansin ang kanyang mga tauhan, ang mga Customs broker umano ang pinahihirapan nito.
Partikular niyang tinukoy ang submission ng entry ng kanilang mga kargamento kung saan sa halip na idirekta ito sa mga examiner o sa mga principal appraiser, pinadadaan muna ito sa information desk sa Gate 3 ng Bureau of Customs (BOC) bago makarating sa taong gagawa nito. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.