(Proud batang Tramo-Rosario) ANAK NG OFW TOP 8 SA 2023 MIDWIFERY LICENSURE EXAM

“November 9, 2023, 6:48 ng gabi inopen ko ang fb ko laking gulat ko ng mabasa ko ang name ko sa resulta ng PRC. Napaiyak ako kasi nandun ang pangalan ko”, ito ang matinding reaksyon ng 21- anyos na batang Tramo na si Charisse Sevilla Lozano na mas kilala sa katawagang “Cha”.

Isang Factory Worker sa South Korea ang tatay ni Cha, habang nasa Cruise Ship naman ang kanyang ina.

Si Cha ay panganay sa dalawang magkapatid na lumaki sa Kalye Tramo, Brgy. Silangan 2. Nagtapos ng elementarya sa Rosario Elementary School at High School sa Rosario Institute with High Honor.

Sa Kolehiyo, kumuha ng kursong Midwifery sa Cavite State University- Main Campus.

“Actually 3 days na kaming naghihintay ng result, nag-overthink talaga ako kasi may subject na nahirapan talaga ako, ilang beses din akong nagkamali ng pagshade kaya hindi talaga ako umaasa na magta-top, sabi ko kay Lord kahit pumasa lang po ay sapat na”, dagdag na kuwento ni Cha.

“Kaibigan ko po ung nagtop 1 at top 2. Sa dami po namin na nag-exam isang karangalan na po na mapasama sa top 10. Na simula noon nagrereview palang hindi ko po talaga hiniling pero binigay parin sa akin, masaya and proud ako sa friends ko na nakapasa at nag-top kami”, habol na kuwento pa rin ni Cha.

“May mga pre-board po kami sa school, kami rin po ung mga laging nasa top 10 pero hindi po abot ng passing score ung grade namin. Kaya nagulat kami na umabot ng ganun ung grade namin sa Board exam,” sambit ni Cha.

“Hindi kami basta midwife lng, MIDWIFE TO! We are globally competitive na since BSM na ang program na to 4 years narin. Always remember na hindi ka lang dapat nag-aaral para pumasa ka sa board, dapat nag-aaral ka to save lives and to share your knowledge to fellow health care workers,” pagmamalaki ni Cha.

Mensahe ni Cha sa kanyang kapwa estudyante, “huwag matakot kumuha ng board exam, basta alam mong nag-aaral ka papasa ka. Samahan din ng dasal, malaking bagay kapag kasama mo si God sa mismong exam. Sabi nga nila 50/50, 50% ng lakas ng loob at talino mo manggagaling dapat kay Lord.”

“I promise na I will always make them proud and prouder! Simula palang ito ng mga pangarap ko marami pang susunod. At plano ko pong mag aral sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital para mas ma improve pa po ang skills ko”, pagtatapos ni Cha.
SID SAMANIEGO