PINABORAN ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang samahan at mga operator ng mga provincial bus matapos na mag-isyu ng writ of preliminary injunction laban sa memorandum ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagbabawal sa mga ito na dumaan sa EDSA at sa regulation ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na pagbawi sa business permits ng bus terminals sa EDSA.
Nagsimula ang kasong isinampa laban sa MMDA at LTFRB ng Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Inc., at iba’t ibang bus companies kabilang ang Bataan Transit, Genesis Transport, Baliwag Transit, Santrans Corp.
Batay sa kautusang inilabas ni Judge Caridad Walse-Lutero ng QCRTC Branch 223, nitong Hulyo 31, sinasabing tila walang basehan ang pag-sabing provincial buses ang sanhi ng mabigat na daloy ng trapiko
Ipinunto rin ng korte na walang malinaw na distinction na inilabas ukol sa P2P buses na galing sa probinsiya, provincial buses at city buses.
Binigyan naman ng hanggang Agosto 14 ang panig ng gobyerno na magsumite ng kasagutan.
Matatandaang nagpasya ang MMDA na ipatupad ang pagsisimula ng dry run ng provincial bus ban sa Edsa sa Agosto 7, subalit wala munang ipapataw na parusa sa mga mahuhuling lalabag.
Habang magkakaroon naman ng window hours mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw, kung saan papayagan ang mga provincial bus na dumaan sa Edsa, pero diretso sa mga common terminal sa Cubao, Parañaque Integrated Terminal Exchange, at BF Citi sa Marikina.
Ayon pa sa MMDA, mananatiling bukas ang mga bus terminal sa EDSA habang may dry run pero hindi muna magagamit ang mga ito kaya ang mga galing sa mga lalawigan sa south ay hanggang Santa Rosa, Laguna na lamang. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.