PROVINCIAL BUSES PWEDENG PUMASOK SA METRO MANILA SA WINDOW HOUR

NILINAW  ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes na lahat ng polisiya ay nanggagaling sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising Regulatory Baord (LTFRB) para sa lahat ng provincial buses na pupunta sa terminal sa NLET (kapag galing ng norte) habang sa PITX naman kapag galing ng south.

Pahayag ito ni Artes kaugnay sa napabalitang nagkagulo at naperwisyo ang mga pasahero na walang masakyan at pinababa pa sa bus sa gitna ng EDSA.

Binigyang-diin ni Artes na nagkaroon ng gentleman’s agreement na puwede silang makapasok sa Metro Manila during window hours mula 10pm to 5am. Pero, hindi ibig sabihin na bawal silang bumiyahe outside the window hours.

Pinayagan silang makapasok sa Metro Manila noong Holy Week hanggang Linggo upang mabigyan ng opportunity ang mga commuter na makauwi sa kani-kanilang probinsya na kalauna’y pinalawig pa hanggang nitong Martes, Abril 19.

Dagdag ni Artes maliwanag ang naging usapan sa pulong sa bus operators noong Martes na balik na sa Miyerkoles, ang window hours.

Nabatid, na naglabas ang IATF ng Resolution No. 164 kung saan epektibo ng Marso 24, puwede na ituloy ang intra-regional at inter-regional travel sa lahat ng lugar sa ilalim ng Alert Level 1 kasama ang Metro Manila.

Kinontra naman ito ni Alex Yague, executive director ng Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas, Inc. dahil aniya ay twisted ang interpretation sa nasabing IATF resolution, kung saan walang nakasaad dito na pinapayagan na silang dumiretso sa kani kanilang terminal.

Binigyang-diin pa ni Artes na ang polisiya patungkol sa buses ay hawak ng LTFRB kung saan nakatutok din ang MMDA sa implementation ng traffic rules at traffic management. LIZA SORIANO