UPANG agad na mapahintulutang makapag-operate ang ABS-CBN, inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isang joint resolution na nagsusulong na mabigyan ng provisional franchise ang network.
Sa iniakda niyang House Joint Resolution (HJR) No. 30, iminungkahi ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang pagkakaloob sa ABS-CBN ng pansamantalang prangkisa na magkakabisa hanggang sa Hunyo 30, 2022.
Giit ng Mindanaoan solon, dahil napaso na ang 25-year legislative franchise ng naturang TV and radio corporation at kinakailangang kapwa ng Senado at Kamara ng sapat na panahon para talakayin at aprubahan ang hinihinging extension sa Congressional franchise nito, mas mabuting provisional franchise muna ang maibigay rito.
Sa ngayon, naniniwala si Rodriguez na walang mabigat na dahilan para hindi muna hayaang magpatuloy ang operasyong ng ABS-CBN sa pamamagitan ng isang provisional franchise na ipagkakaloob dito habang wala pang ganap na aksiyon na nailalabas ang dalawang kapulungan sa aplikasyong palawigin ng panibagong 25 taon ang prangkisa ng naturang network.
Kabilang sa mga tinukoy ng mambabatas na magandang pagkilala sa himpilan ang ulat ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ang natupad naman ng ABS-CBN ang lahat ng tax requirements ng gobyerno at regular ding nagsusumite at nagbabayad ng kanilang buwis sa nakalipas na mga taon.
“WHEREAS, Simplicio Cabantac Jr, BIR Large Taxpayers Service head said that ABS-CBN paid at least P 14.398 billion from 2016 to 2019;” nakasaad pa sa HJR 30.
Dagdag ni Rodriguez, maging ang DOLE ay binigyan ng clearance ang ABS-CBN mula sa anumang paglabag o reklamo hinggil sa itinatakda ng general labor standards, occupational safety and health, at security of tenure.
Sa kabuuan, may 12 House bills ang nakahain sa Kamara na pawang hinihiling na mai-extend ng 25 taon ang franchise ng ABS-CBN at ang mga ito’y nakabimbin sa House Committee on Legislative Franchises, na pinamumunuan ni Palawan 1st District Rep. Franz Alvarez. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.