PINAGTIBAY ng Court of Appeals (CA) ang nauna nitong desisyon na buhayin ang provisional freeze order na inisyu ng mababang korte laban sa dalawang bank account na ginamit umano ng isang convicted druglord sa money laundering.
Sa tatlong pahinang resolusyon, ibinasura ng CA Former Special Third Division ang mga motion for reconsideration na inihain nina Jeffrey Su Go, Jean Pearl Yana Go at Jin Zhang noong Hunyo 16, 2017.
Nauna nang binuhay ng CA ang provisional asset preservation order (PAPO) na nagbabawal sa alinmang transaksiyon sa account sa Banco de Oro ng mag-asawang Go at sa Metrobank account naman ni Jin.
Ang PAPO ay orihinal na inisyu ng Manila Regional Trial Court noong Enero 5, 2017 alinsunod sa kahilingan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Lumabas diumano sa imbestigasyon ng AMLC na nakapaglipat ng pera ang convicted druglord na si Albert Chin sa halagang P18.31 milyon sa account ng mag-asawang Go noong Setyembre 2012 hanggang Agosto 2013 at nakapag-isyu pa ng manager’s check na nakapangalan kay Jin.
Gayunman, binawi ng Manila RTC ang freeze order matapos maghain ng motion for reconsideration ang kampo ng mga respondent.
Si Chin ay hinatulan noong 2016 ng Olongapo City Regional Court sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga kasunod ng operasyon na ikinasa ng PNP-Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force kung saan 432 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng dalawang bilyong piso ang nasamsam.
Kasama ring nasamsam sa operasyon ang transaction ticket kaugnay ng idinepositong P3.68 milyon sa account ng mga Go at P4 milyon na manager’s check para kay Zhang. T TAVAREZ
Comments are closed.