IDINEKLARA kahapon ng National Telecommunications Commission (NTC) ang Mislatel Consortium bilang provisional third telco ng bansa.
Ayon sa NTC, ang bid documents ng Misaltel ay kuwalipikado at kompleto.
Ang consortium ay binubuo ng Udenna Corp. ni Dennis Uy, ng subsidiary nito na Chealsea Logistics Holdings Corp., at ng state-owned China Telecommunications Corp.
Sa isinagawang selection process sa Quezon City, sinabi ng NTC na ang unang pakete na isinumite ng Mislatel ay kompleto, at hindi na itutuloy pa ng commission ang detailed evaluation ng ikalawang pakete.
Sinabi ni NTC Selection Committee Chair Ella Lopez na ang unang pakete ay idineklarang ‘complete and compliant’.
Bubusisiin na lamang ng NTC ang pangako ng consortium kaugnay sa internet coverage at speed sa sandaling opisyal na makumpirma ang katayuan nito bilang bagong major player sa telecom industry.
“The Mislatel Consortium … welcomes the announcement of the National Telecommunications Commission Selection Committee declaring it as the provisional New Major Player in the Philippines’ Telecommunications market,” pahayag ng kompanya.
Ang Mislatel ay isa sa tatlong bidders na nakalusot sa initial selection process at nagkuwalipika para sa susunod na bahagi ng proseso. Ang dalawang iba pang bidders ay nadiskuwalipika.
Ang Singson-led consortium ay nadiskuwalipika dahil sa hindi pagsusumite ng ‘Participation Security’ na P700 million, habang ang Philippine Telegraph & Telephone Corp. ay walang Certificate of Technical Capability.
Comments are closed.