PINAPAYAGAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang provincial Public Utility Buses (PUBs) na bumalik sa inter-regional trips.
Nakasaad ito sa Memorandum Circular No. 2022-023 na sumasaklaw sa PUB operators na may valid at existing certificates na tumitiyak sa public convenience, provisional authority, at kinakailangang special permits.
Ang mga bus na bumibiyahe sa provincial commuter routes sa CALABARZON region ay maaari na ngayong kumuha ng mga pasahero sa kanilang orihinal na Araneta Bus Terminal sa Cubao.
Gayunman, ang provincial commuter routes na may pre-pandemic endpoint sa Buendia, Makati, Pasay, at Manila ay kailangan pa ring gamitin ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), kabilang ang mga ruta mula sa Quezon Province, Mimaropa (Southwestern Tagalog Region), at Bicol.
Nakasaad din sa circular na ang provincial buses na magmumula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera Administrative Region ay pinapayagan ding magbaba ng mga pasahero sa North Luzon Express Terminal (NLET) kung saan may city buses na maaaring maghatid sa kanila sa Metro Manila.
“Provincial buses coming from Central Luzon can pick up and drop off passengers at Araneta Cubao Terminal and NLET, depending on the route of the particuar authorized unit,” ayon pa sa circular.
Gayundin, ang PUBs na manggagaling sa Visayas at Mindanao patungo sa National Capital Region ay pinapayagang kumuha at magbaba ng pasahero sa Santa Rosa Integrated Terminal. Ang mga bus na patungong Metro Manila ay naghihintay roon.
Pinaalalahanan ng LTFRB ang PUB operators na kumuha ng QR code para sa bawat unit bago sila payagang bumiyahe. Maaari itong i-download sa www.ltfrb.com.ph, at dapat i-print at ipaskil sa front windshield ng unit.
Kailangan din ang mahigpit na pagsunod sa health and safety protocols.