PROYEKTO NG DOTR AARANGKADA NA

Magkape Muna Tayo Ulit

TILA  nakaasinta na ang Department of Transportation (DOTr) na tatapusin ang lahat ng mga nakalaan at nakaplanong mga proyektong impraestruktura upang mapabuti ang buhay ng bawat Filipino.

Noong nakaraang taon, marami ang naumpisahan at natapos na mga proyekto sa ilalim ng DOTr. Ayon sa kanilang datos, mula 2016 hanggang 2019  ay umabot ng 119 ang natapos nilang proyekto, 70 ay sa ilalim ng DOTr  at 49 na proyekto naman mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP). Hindi pa nabibilang dito ang 166 na mga  kasalukuyang proyektong pampaliparan.

May isang malaking proyekto rin ang ating ina­abangan sa lalawigan ng Bulacan. Noong ika-19 ng Setyembre, binigyan ng opisyal na pahintulot ng DOTr ang San Miguel Corporation (SMC) na simulan ang Bulacan International Airport matapos na magpirmahan sila ng ‘concession aggreement’ na patatakbuhin ito ng SMC sa loob ng 50 taon matapos maisagawa nila ang Phase 1 ng nasabing airport.

Kapag natapos ang Bulacan International Airport, magkakaroon ng tatlong maaring pamilian ang mga mananakay ng mga airport sa Luzon. Nariyan ang mga paliparan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) 1, 2, 3, at 4. Samantala, ang Clark International Airport sa Pampanga ay halos 90% nang matatapos ang ka­ragdagang rehabilitasyon upang mapalaki ang kapasidad ng pagtanggap ng mga pasahero sa nasabing paliparan. Sa Hulyo nitong taon, magkakaroon din ang Clark Internatio­nal Airport ng karagdagan runway.

Samantala, inanunsiyo rin ng DOTr na sisimulan ang konstruksiyon ng MRT-4 matapos makakuha ng pahintulot ang nasabing proyekto mula sa Investment Coordination Committee bago matapos ang taong 2019.

Ang MRT-4 ay may habang 15.56 kilometro na tatahak sa bandang silangan ng Metro Manila. Kasama na madadaanan ng MRT-4 ay ang Quezon City, San Juan City, Mandaluyong, Pasig at ang Ortigas Center. Ang nasabing linya ng tren ay mapakikinabangan din ng mga nakatira sa Cainta at Tay-tay, Rizal. Lumalago na rin ang populasyon ng mga residente na nagtatrabaho sa Metro Manila. Inaasahan na halos 234, 433 na mga pasahero ang kapasidad ng MRT-4 at magkakaroon ito ng 11 na istas­yon. Planong matapos ito sa 2025.

Ang MRT-4 ay magkakahalaga ng P59.3 billion. Sisimulan ang konstruksiyon sa 2021. Popondohan ito sa ilalim ng Official Development Assistance (ODA) mula sa Asian Development Bank at ang DOTr bilang proponent ng proyekto.

Maliban sa MRT-4, puspusan din ang paggawa ng MRT-7 mula San Jose Del Monte City sa Bulacan. Tatahakin ang Commonwealth Avenue sa Quezon City. Ayon sa DOTr, ito ay 50% na sa kanilang konstruksiyon at maaring magsimulang mag-operate sa susunod na taon.

May kabuuan na anim na railway projects na kasalukuyang ginawa ang ating pamahalaan kasama rito ang Metro Manila Subway. Inum­pishan na ito noong Disyembre ng nakaraang taon. Ganito rin ang estado ng Common Station na magdidikit sa Metro Rail Transit (MRT)-3, MRT-7, LRT-1 at ng Metro Manila Subway.

Samantala, ang LRT-1 Cavite Extension ay 30.74% complete na noong Oktubre noong nakaraang taon. Ang LRT-2 East Extension ay 71.19% complete na rin at ang proyekto ng Philippine National Railways (PNR) Clark Phase 1 (Tutuban to Malolos) ay magsisimula na rin daw bago matapos ang taon.

Kaunting tiis na lang po mga kababayan. Marahil ang karamihan sa atin ay hindi na sanay sa sunod-sunod na malalaking proyekto na nakahambalang sa ating lugar. Ang tawag po rito ay PROGRESS.

Comments are closed.