NAKATAKDANG simulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksiyon ng Pasig-Marikina River Channel Improvement Project (PMRCIP) Phase 4 na magliligtas sa pagbaha kapag umapaw ang Pasig at Marikina Rivers.
Pinangunahan nina DPWH Acting Secretary Roger Mercado, Ambassador of Japan to the Philippines Kazuhiko Koshikawa, DPWH Undersecretary and Chief Implementer of Flagship Projects sa ilalim ng Build, Build, Build Program Emil Sadain, at JICA Chief Representative Eigo Azukizawa, ang groundbreaking ceremony ng naturang proyekto sa bahagi ng EFCOS Compound sa Barangay
Manggahan, Pasig City, araw ng Martes.
Sinabi ni Mercado na kapag natapos ang proyekto ay maiiwas na sa pagbaha ang mga lugar na malapit sa Pasig at Marikina River, partikular sa Pasig, Quezon at Marikina ganoon din ang Cainta at Taytay sa Rizal.
Sakop ng ikaapat na bahagi ng PMRCIP ang structural at non-structural measures para maiwasan din ang flood damages sa Metro Manila.
Binuo ang 4-Phase Pasig-Marikina River Channel Improvement Project ng DPWH sa pamamagitan ng
Master Plan for Flood-control and Drainage Improvement in Metro Manila, kasama ang technical assistance mula sa JICA.
Pinondohan ang buong proyekto sa ilalim ng loan agreement sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas, sa pamamagitan ng DPWH, at gobyernong Japan sa pamamagitan ng JICA.