PROYEKTONG ‘MASK LIGTAS’ MAHIGPIT NA IPATUTUPAD

face mask

INATASAN ni Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar ang lokal na pulisya na mahigpit na ipatupad ang proyektong “Mask Ligtas” upang malabanan at mapigilan ang pagkalat ng CO­VID-19 sa lungsod.

Ayon kay Aguilar, bibigyan ng warning ng mga hindi nakasuot ng facemask sa labas ng kanilang bahay para sa unang offense at kapag naulit ay huhulihin na ang mga ito.

Gayundin, sinabihan ni Aguilar si Las Piñas police chief P/Col. Rodel Pastor na ipagpatuloy ang mahigpit na implementasyon ng curfew hour sa lungsod simula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 kinabukasan ng umaga.

Nangako naman si Pastor na paiigtingin nila ang pagpapatupad ng “Mask Ligtas” na kung saan ipapakalat ang mga pulis na may mga dalang public address system upang ipaalam sa mga residente ang ordinansa kaugnay sa sapilitang pagsusuot ng facemask kapag nasa labas ng kanilang mga bahay.

Sa huling datos ng City Health Office (CHO) nitong Hulyo 15, may kabuuang 715 kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan 281 dito ang may aktibong kaso habang 42 naman ang namatay.

Gayundin, 6 na barangay sa lungsod ang nakapagtala ng may pinakama­raming kaso ng COVID-19 na kinabibilangan ng Barangay CAA at Barangay BF Homes na parehong may tig-86 na sinundan ng Barangays Manuyo Dos at Pulanglupa Uno na may tig-51 kaso; Pamplona Tres na may 48 habang ang Barangay Pilar naman ay may 46. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.