PRRC SUPORTADO ANG MANILA BAY CLEANUP

Lumahok ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) sa Manila Bay Coastal Cleanup Kick-Off Ceremony kamakalawa  ng umaga sa Island Cove, Kawit, Cavite.

Humingi ng tulong si Senador Cynthia Villar sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at kabilang sa unang tumugon sina PRRC Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia at Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel “Manny” Piñol.

Ayon kay Goitia, obligasyon ng bawat mamamayan na makisangkot sa aktibidades na pangkomunidad kahit sa kapasidad nila bilang mga indibidwal.

Nagpahayag ng buong suporta si Goitia at ang PRRC sa kampanya ni Villar na linisin ang Manila Bay na karugtong ng Pasig River.

“Dahil ang mandato namin ay kalinya ng gawain na inilunsad ngayon kaya buo ang suporta ng PRRC sa ganitong pagkilos,” diin ni Goitia. “Sama-sama tayo para sa malinis at masaganang karagatan!”

Pinuri rin ni Goitia ang mga River Warrior at River Patrol ng PPRC na nagkukusa kahit hindi na sakop ng kanilang gawain mailigtas lamang ang mga daluyang tubig ng Pasig River lalo ang mga ilog, sapa at estero.

Nauna nang nanawagan si Goitia sa mga residente malapit sa Pasig River at mga tributaryo nito na huwag magtapon ng ba­surang plastik sa lawas-tubig dahil daantaon bago ito matunaw at sanhi ng pagkamatay ng mga balyena, lumba-lumba at iba pang lamang-dagat taon-taon.

Comments are closed.