MAGKASAMANG nagsagawa sina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher “Bong” Go ng aerial inspection sa Baybay City at bayan ng Abuyog sa Leyte noong Biyernes Santo, April 15, upang alamin ang lawak ng naging pinsala nang naganap na malawakang pagbaha at landslides doon, dulot ng Tropical Storm Agaton na nanalasa sa lugar noong nakaraang linggo.
Ayon kay Sen. Go, walang pinipiling araw ang pagseserbisyo sa kapwa kahit Holy Week kung kailan kailangan ng tulong at malasakit ng mga kababayan nating tinamaan ng bagyo.
Sinabi ni Sen. Go, buong gobyerno sa pamumuno ni Pangulong Duterte ay nagpunta ng Leyte para gampanan ang kanilang tungkulin at siguraduhing makabangong muli ang mga nasalanta ng bagyo.
Matapos ang aerial inspection, binisita rin nina Pang. Duterte at Sen. Go ang mga residente at nag-abot ng tulong sa mga residenteng nasugatan dahil sa bagyo at kasalukuyang nananatili sa outpatient services ng Western Leyte Provincial Hospital sa Baybay City. Inalam din nila ang operasyon ng Malasakit Center sa naturang pagamutan.
Nagdaos din sila ng situational briefing, kasama ang mga lokal na opisyal sa lugar upang i-assess ang impact ng bagyo at tukuyin ang agarang pangangailangan ng mga apektadong residente.
Pinangunahan nila ang pamamahagi ng tulong sa mga biktima ng bagyo sa Baybay City Senior High School, kung saan ang tanggapan ni Go ay namigay ng mga pagkain, food packs, masks at vitamins sa mga apektadong residente.
Aniya, isama natin sa ating panalangin ang ating mga kababayang nangangailangan lalo na yung mga biktima ng krisis at sakuna. Tumulong at magserbisyo po tayo sa abot ng ating makakaya dahil ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Ang mga kinatawan naman mula sa Department of Social Welfare and Development at Office of Civil Defense ay namahagi ng hiwalay na tulong sa mga biktima.
Hinikayat ng senador ang mga storm victim na humingi ng tulong medical mula sa alinmang Malasakit Centers sa lalawigan ng Leyte. Nabatid na bukod sa Western Leyte Provincial Hospital sa Baybay City, may Malasakit Centers din sa Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City; Leyte Provincial Hospital at Governor Benjamin T. Romualdez General Hospital sa Palo; at Ormoc District Hospital sa Ormoc.
Muli namang inulit ni Go ang kanyang panawagan na lumikha ng Department of Disaster Resilience upang matiyak ang agarang tugon at proactive at holistic approach sa paghahanda sa mga kalamidad at iba pang natural disasters.