PRRD DISMAYADO SA AYUNGIN SHOAL INCIDENT

DISMAYADO si Pangulong Rodrigo Duterte sa nangyaring pambobomba ng tubig ng Chinese coast guard sa dalawang supply boats ng Pilipinas sa Ayungin Shoal noong nakaraang linggo.

Inihayag ito ng Pangulo sa kaniyang partisipasyon sa Asean-China Special Summit na ginawa sa pamamagitan ng video conference.

Sa kaniyang talumpati kasama ang kaniyang kapwa mga lider mula sa Asean at People’s Republic of China, iginiit ng Pangulo na ang insidente sa Ayungin Shoal ay hindi nagpapakita ng magandang relasyon sa pagitan ng ibang mga bansa sa ASEAN at ng kanilang partnership.

Hindi aniya katanggap tanggap ang aksiyon na ito ng Chinese coast guard dahil taliwas ang pangyayaring ito sa relasyon ng China at Pilipinas.

Ayon sa Pangulong Duterte, ang UNCLOS at ang 2016 Arbitral Award ay isang malinaw na desisyon na naglalayong magkaroon ng maayos at patas na resolusyon sa pinag-aagawang teritoryo, kung saan marapat lamang aniya itong masunod upang matiyak na ang South China Sea ay mananatiling karagatan ng kapayapaan, katatagan at kaunlaran.

Sinabi pa ng Pangulo sa China na mas makabubuti na manatling committed sa konklusyon ng isang epektibo at makabululuhang code of conduct sa South China Sea.

Wala aniyang ibang paraan para masolusyunan ang problemang ito kundi ang rule of law.

Sinabi pa ng Pangulo na ang isyu ng South China Sea ay isang strategic challenge na hindi mareresolba sa pamamagitan ng puwersa o dahas.

Kasabay nito ay nanawagan ang Pangulo sa kapwa mga lider ng mga bansa sa ASEAN na magpatupad ng pagtitimpi, iwasan ang pag-init ng tensiyon, at magpatupad ng mapayapang resolusyon sa problema alinsunod sa international law. EVELYN QUIROZ