PRRD NAPAAGA NG UWI ‘DI TINAPOS ANG APEC SUMMIT

duterte

HINDI na tinapos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga aktibidad sa 26th Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) economic leaders’ meeting.

Batay sa abiso na ipinadala ng Malakanyang, napaaga ng uwi ang Pangulo na sa halip na ngayong hapon darating, kagabi ito dumating at dakong alas-3 ng mada­ling araw ay nasa Davao City na ito.

Gayunpaman, wala namang ibinigay na dahilan ang Malakanyang kung bakit napaikli ang APEC trip ng pangulo.

Ang cabinet secretaries na lamang ng Pangulo ang kumatawan sa kanya sa mga event na isinagawa sa APEC.

Matatandaang ilang aktibidad din sa ASEAN summit na ginanap sa Singapore ang hindi nadaluhan ng Pangulo dahil sa kinailangan umano nitong bumawi ng kaunting tulog.

Kaugnay nito, maglalabas ang Malakanyang ng official statement kaugnay sa naging desisyon ni Duterte na umuwi ng Filipinas ng mas maaga at hindi na daluhan ang mga aktibidad sa ikalawang araw ng Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Summit sa Papua New Guinea.

Ayon kay Presidential Spokesman at Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, ipa­liliwanag niya ang dahilan kung bakit maagang umuwi ang Pangulo at si Trade Secretary Ramon Lopez na lamang ang pinadalo sa mga aktibidad nito.

Lumalabas naman sa mga bulungan na ang agarang pag-uwi ni Pa­ngulong Duterte ay dahil sa kailangan itong mag­handa para sa pagdating ni Chinese President Xi Jinping sa bansa sa susunod na linggo.      E.QUIROS

Comments are closed.