PRRD SUWAG NI VELASCO; DIGITAL SAVINGS PANALO

MASAlamin

PATULOY na binaba­lewala ni Marinduque Cong. Lord Allan Velasco 15-21 term sharing na binasbasan ni Pangulong Duterte.

Ito ay matapos ipag-utos ni Duterte sa naganap na Cabinet meeting noong Lunes ng gabi (Hulyo 1) na ipatupad na ang 15-21 term sharing sa pagitan nina Taguig Cong. Alan Cayetano at Velasco kung saan unang mauupo bilang speaker si Cayetano sa loob ng 15 na buwan at susundan naman ni Velasco sa loob ng 21 na buwan.

Ayon sa source, inutusan ni Digong ang tatlong Cabinet secretaries para magtawag sa mga kongresista para sa pagpapatupad ng 15-21 term sharing upang matapos na ang isyu sa pilian ng speaker at masimulan na ng Kamara ang paglatag sa legislative agenda ng administrasyon.

Binigyan din umano ni Digong ng ultimatum si Velasco dahil ayon sa source, nainis na raw ang Pangulo dahil pinapalabas ni Velasco na walang usapang term-sharing kahit kinumpirma na ito ni Duterte sa kanyang speech.

Ngunit sa kabila nito, nananatiling matigas ang ulo  ni Velasco dahil pa­tuloy pa rin nitong sinusuway si Digong. Kesyo makikipagkonsultasyon pa raw siya kay Inday Sara at kay Cong. Pulong Duterte.

Para yatang ‘di naiintindihan ni Velasco na mistula na rin siyang iniwan sa kangkungan ng magkapatid na Duterte dahil maging si Pulong nagbabalak na ring ma­kisawsaw sa speakership at ang Hugpong ng Pagbabago naman ni Inday Sara, nag-endorse na rin ng speaker candidate, si Cong Ungab.

At tila, may nakumbinsi pa itong si Velasco na suwayin ang Pangulo. Ito ay si Sen. Koko Pimentel na nagsabing payag na sila sa term sharing pero si Velasco ang dapat maunang umupong speaker.

DIGITAL SAVINGS ACCOUNT SWAK SA PINOY

Tulad sa bangko, maaari nang mag-impok ng pera sa isang mobile savings platform subalit nagbibigay ng pinakamalaking tubo.

Ang digital savings account ay naisakatuparan sa pamamagitan ng isang partnership sa pagitan ng nangungunang mobile wallet na GCash at ng CIMB na isa sa mga pinakamalaking investment bank sa buong Asya.

Nasa Kuala Lumpur, Malaysia ang headquarters ng CIMB.

Makikita sa “Save Money” feature ng GCash app, binibigyan ng pagkakataon ng tinatawag na “GSave” ang maraming Filipi-nong walang bangko na magkaroon ng sarili nilang savings account sa CIMB kung saan kikita ang kanilang pera nang 3% kada taon – ang pinakamalaki sa bansa dahil wala pang 1% ang interes ng isang regular savings account sa bangko.

Ang pagpapakilala sa publiko ng mobile savings platform na ito ay itinaon ng GCash sa selebrasyon ng Bangko Sentral ng Pili-pinas (BSP) sa Savings Consciousness Week simula Hunyo 30 hanggang Hulyo 6, sang-ayon sa Proclamation No. 380 na inisyu ni dating pa­ngulong Fidel Ramos noong 1994 upang pabilisin ang paglikom ng kapital sa pamamagitan ng savings.

Sa isang circular letter, hinimok ng BSP ang industriya ng bangko na patuloy nitong hikayatin ang publiko na magtabi ng pera sa mga institusyong pambangko at mas pataasin ang kanilang kaalaman tungkol sa malaking papel ng pagtitipid sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Halos 66% ng mga Filipino ang walang bank accounts at 34% ng mga munisipalidad ang walang pisikal na bangko dahil ma-gastos para sa isang bangko ang maglagay ng mga sangay nito sa malalayong lugar.

“Meanwhile, more and more Filipinos are getting digitally connected through smartphones. We saw this as an opportunity to de-liver access to financial services through a mobile platform, which is how we came up with GSave,” ani Anthony Thomas, ang Chief  Executive Officer ng Mynt (Globe Fintech Innovations) na nagpapatakbo ng GCash.

Hindi tulad sa bangko, ang GSave – na isang digital savings account sa CIMB bank – ay walang initial deposit at maintaining balance at maaaring mag-deposit at mag-withdraw ang isang user ng kanyang pera sa pamamagitan ng GCash kahit saan, anumang oras.

Comments are closed.