TULUYAN nang gumuho ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) matapos ilabas ng una ang ‘confidential list’ na isinumite sa kanya ng nasabing komisyon.
Ayon sa isang insider sa Malakanyang, matagal na umanong nawalan ng paniwala sa PACC ang Pangulo na nagbunsod na ilipat nito ang papel ng PACC na pagtugis sa korupsiyon sa pamahalaan sa Department of Justice (DOJ).
“Sampal sa mukha ng PACC ang paglipat sa DOJ ng pag-iimbestiga at paghahabla sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan,” pahayag ng source.
Naglabas kamakailan ng listahan si Pangulong Duterte na, aniya, ay walang ebidensiyang pag-akusa ng PACC sa ilan sa mga kongresista na ini-report nito sa Pangulo na may kinalaman sa korupsiyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa insider, hinanapan umano ni Pangulong Duterte ng listahan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno si PACC Commissioner Greco Belgica, ngunit imbes na mga opisyal ng ehekutibo na syang hurisdiksyon ng PACC, ay mga pangalan ng kongresista ang ibinigay nito na walang malinaw na basehan at ebidensiya..
Bilang abogado, sinabi ng insider na nainis ang Pangulo dahil alam naman niya na ang lehislatura ay may sariling komite na tumitingin sa mga alegasyon ng korupsiyon sa kanilang hanay at hindi ito sakop ng Palasyo, lalo na ng PACC.
“Nabigla si Commissioner Belgica nang ilabas ng Pangulo sa publiko ang listahan, na parang sinasabing ‘Bahala ka diyan, Greco’,” pahayag ng source.
Maaalalang kamakailan lamang ay sinampahan ng kasong graft sa Ombudsman si Commissioner Belgica ng siyam na empleyado ng Duty Free Philippines Corporation (DFPC). Ayon sa kanila ay niluto ni Belgica ang imbestigasyon nito sa kanilang dokumentadong reklamong ismagling sa DFPC na kinadadawitan ng mga opisyal nito at ilang mga negosyante.
Lihis sa diwa ng transparency ay nakipagkita umano si Belgica nang direkta sa chief operating officer ng DFPC na si Vicente Angala, at matapos nga ang close-door na pag-uusap ng dalawa ay binalewala na ang kanilang inihaing pagbubulgar at reklamo.
Sinampahan ng mga empleyado ng DFPC si Belgica ng kasong grave misconduct, conduct prejudicial to service, gross inexcusable negligence at paglabag sa RA 3019, o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Comments are closed.