MULING makakapartner ng Sportswriters Association (PSA) ang San Miguel Corporation (SMC) sa pagdaraos ng tradisyunal na Annual Awards Night nito sa susunod na buwan.
Gaganapin ang awards night sa ballroom ng Diamond Hotel Manila at maaari itong face-to-face o virtual depende sa health situation bago ang March 14 special event.
Gayunman, ang sigurado ay ang magarbong selebrasyon sa espesyal na gabing ito kung kailan bibigyang pugay ng sportswriting community ang mga indibidwal na nagbigay kulay para sa local sports sa 2021 sa kabila ng global health pandemic.
Tampok sa event na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) ang paggagawad ng prestihiyosong Athlete of the Year award ng pinakamatandang media organization sa bansa na binubuo ng mga editor at writer ng leading dailies at sports websites sa bansa.
Pinangungunahan ni weightlifter Hidilyn Diaz ang mga nominado para sa coveted award makaraang ipagkaloob niya sa bansa ang makasaysayang Olympic gold medal sa Tokyo Games.
Nasa listahan din sina US Women’s Open champion Yuka Saso, world gymnastics champion Carlos Yulo, Tokyo Olympic silver medal winners Nesthy Petecio at Carlo Paalam, gayundin sina bronze medalist Eumir Marcial, US Open champion Carlos Biado, tennis grand slam winner Alex Eala, at four-weight boxing champion Nonito Donaire Jr.
Ang iba pang awards na ipagkakaloob sa event na suportado rin ng MILO, 1Pacman, Philippine Basketball Association (PBA), Rain or Shine, ICTSI, Philracom, Chooks To Go, Smart, at ng MVPSF, ay ang President’s Award, Executive of the Year, National Sports Association (NSA) of the Year, at ang Lifetime Achievement Award.
Kasabay nito ay igagawad ang Excellence in Leadership award sa gala night, ayon kay PSA president Rey C. Lachica, sports editor ngTempo.
Kasama rin sa listahan ng honorees ang Major Awards, ‘Manok Ng Bayan Award,’ at special citations.
Noong nakaraang taon ay idinaos ng PSA ang Awards Night nito virtually sa unang pagkakataon sa kasaysayan nito, kung saan si Saso ang itinanghal na 2020 Athlete of the Year.