KIKILALANIN ang taong namumuno sa Olympic governing body ng bansa para sa malaking papel na kanyang ginampanan upang maging matagumpay ang kampanya ng Pilipinas sa Olympiad.
Si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino ay gagawaran ng Executive of the Year Award sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night dahil sa paggabay sa bansa sa pagkopo ng kauna-unahan nitong Olympic gold medal.
Si Tolentino ay isa sa 33 personalidad na pararangalan sa March 14 gala night sa Diamond Hotel na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), POC, at Cignal TV.
Bago ang POC chief, nauna nang tumanggap ng award na ipinagkakaloob ng pinakamatandang media organization sa bansa sina Ramon S. Ang, Manny V. Pangilinan, William ‘Butch’ Ramirez, Wilfred Uytengsu, Ricky Vargas, Jude Echauz, Philip Ella Juico, at Willie Marcial.
Ang event na suportado rin ng Philippine Basketball Association (PBA), MILO, 1Pacman, Rain or Shine, ICTSI, Chooks To Go, Smart, Philracom, at ng MVP Sports Foundation, ay isasagawa ng face-to-face, ngungit dahil sa mahigpit na health guidelines ay 50 percent lamang ng ballroom capacity ang papayagan.
Noong nakaraang taon, ang SMC-PSA awards night ay idinaos virtually.
Tinutukan ni Tolentino, na isa ring congressman mula sa 8th district ng Cavite, ang paghahanda ng bansa para sa Tokyo Olympics sa loob ng halos dalawang taon makaraang naunang ipagpaliban ang Summer Games sa kasagsagan ng global pandemic noong 2020.
Ang matagal na paghihintay ay nagbunga ng maganda dahil nasikwat ng bansa ang kauna-unahan nitong Olympic gold matapos ang halos isang siglo sa likod ng record-breaking feat ni Filipina weightlifter Hidilyn Diaz.
Pinatamis ng boxing trio nina Nesthy Petecio, Carlo Paalam, at Eumir Marcial ang tagumpay nang magwagi ng dalawang silver at isang bronze medals na tinampukan ang pinakaproduktibong kampanya ng Pilipinas sa Olympics.
Sumabak din sa Games ang iba pang potential medal winners sa ibang sports, kabilang sina gymnast Carlos Yulo, golfers Yuka Saso at Bianca Pagdanganan, pole vaulter EJ Obiena, at skateboarder Margielyn Didal.
Si Tolentino ay nagsisilbi ring presidente ng Integrated Cycling Federation of the Philippines o PhilCycling.