MAHALAGANG papel ang gagampanan ng patas na kompetisyon ng dayuhan at lokal na pamumuhunan sa mga sektor ng koryente, telecom at ‘transport’ sa pagbangon ng bansa pagkatapos ng COVID-19 pandemic.
Pahayag ito ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means committee, kaugnay sa House Bill 78 na aamyenda sa dating Public Service Act (CA 146). Layunin ng panukalang bagong Public Service Act (PSA) na pasado na noong Marso pa sa Kamara, na itaas ang kalidad ng serbisyo at lumikha ng higit na maraming trabaho sa bansa.
Aamyendahan ng HB 78 ang Commonwealth Act No. 146, at liliwanagin nito ang kaibahan ng “public service” sa “public utility” na malimit ay pinagpapalit-palit. Nililimita ng 1987 Constitution ang pag-aari at pagpapatakbo ng mga public utility sa mga Filipino lamang, at hanggang 40% lamang ang maaaring hawakan ng mga dayuhan, ngunit dahil madali itong ipasaklaw sa “public services,” nananaig ang mga monopolya at nahihirapan ang mga karaniwang Pinoy, ayon kay Salceda sa kanyang ‘aide memoire.’
Malakas na suportado ang HB 78 ng maraming sektor, kasama si Socio-economic Planning Secretary Karl Kendrick T. Chua, na nagsabing ang panukalang bagong PSA Law ay magiging susi para mahuli ng Filipinas ang maraming dayuhang puhunan pagkatapos ng pandemya.
Binigyang diin ni Salceda na magkaiba at hindi pareho ang public utilities at public service bagama’t ang una ay maaaring maging bahagi ng una. Sa dating PSA, kasama sa kategorya ng public service, pati mga planta ng yelo at gawaan ng sirang mga barko na tiyak namang hindi papatulan ng mga dayuhang mamumuhunan.
Pinuna rin ng mambabatas na sa ilang desisyon ng Korte Suprema, nagbigay ito ng ilang elementong bahagi ng “public utility” na inilarawan nito na “isang negosyo o serbisyo na regular na nagsusuplay sa publiko ng mga produkto o mahalagang mga serbisyo gaya ng koryente, gas, tubig, transportasyon, telepono o telegrapo.”
Para tiyakin ang pambalanang interes, panukala din ng HB 78 na maaaring suspendihin ng Pangulo ang pagsama, pag-bili, o pamumuhunan sa isang ‘public service’ na magbibigay panganib sa pambansang seguridad. Maaaring payagang mamuhunan ang isang dayuhan kung ang bansa nito ay nagbibigay rin ng ganong karapatan sa mga Filipino. Panatilihin ang ‘regulatory powers’ kung akma, gaya ng pagtatalaga ng rata ng bayad, prangkisa para magpatakbo ng sistema, pagbabawal sa pagkuha ng dayuhan kung mayroon at kaya naman ng mga Pinoy ang gagawin; at pagpapanatili sa ‘takeover power’ dahil umano’y may ‘public interest’ itong saklaw.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ang PSA bill ay isang ‘economic measure’ na lilikha ng maraming trabaho, magtatalaga ng matibay na pundasyon para sa malakas na pagsulong ng ekonomiya, aakit ng pamumuhunan at mga teknolohiyang wala pa sa bansa.