MAAARING kumupas na ang mahika, subalit nananatili pa rin ang alamat.
Sa edad na 65, si Efren ‘Bata Reyes ay nananatiling isa sa top draws sa Philippine sports tulad ng kanyang ipinakita sa katatapos na 30th Southeast Asian Games.
Ang iconic pool player ay nagkasya sa bronze sa men’s carom (1 cushion) – hindi niya pet event – sa biennial meet, subalit ang kanyang presensiya ay nagbigay sigla sa koponan na nagwagi ng kabuuang 12 medalya, apat rito ay ginto.
Sa lahat ng kanyang kahusayan, ang ‘The Magician’ ay hindi pa nangingibabaw sa SEA Games kung saan ang kanyang pinakamataas na pagtatapos ay bronze, limang beses, na pawang natamo niya sa men’s carom.
Sa kabila nito ay hindi nabawasan kahit katiting ang nakamit ng ipinagmamalaki ng Mexico, Pampanga sa pool table, kung saan kinikilala siya sa mundo bilang ‘greatest player of all-time’.
Dahil dito, si Reyes ay gagawaran ng Lifetime Achievement award ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa traditional SMC-PSA Awards Nights sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Kasabay nito, si ‘Bata’ ay magsisilbing special guest speaker sa gala night. Siya ay ikalawang sunod na atleta na naging guest speaker sa event na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association (PBA), at ng Rain or Shine kasunod ni Olympian Bea Lucero noong nakaraang taon.
Ang Team Philippines ang tatanggap ng coveted Athlete of the Year award mula sa pinakamatandang media organization sa bansa sa pagwawagi ng overall championship sa SEA Games.
Si Reyes ay three-time winner ng PSA Athlete of the Year plum noong 1999, 2001, at 2006.
Comments are closed.