DALAWANG reigning world champions ang gagawaran ng prestihiyosong President’s Award sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night.
Sina gymnast Carlos Yulo at golfer Yuka Saso ay pararangalan ng sportswriting fraternity ng bansa sa March 14 event para sa kani-kanilang tagumpay sa world stage.
Si Saso, 20, ay gumawa ng kasaysayan nang makopo ang US Women’s Open Championship sa Olympic Club sa San Francisco, California, at maging una mula sa Pilipinas na nagwagi sa anumang golf major championships.
Impresibo rin si Yulo, 22, nang makopo ang gold sa men’s vault ng 50th FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Kitakyushu, Japan, at nagdagdag ng silver medal sa parallel bars.
“Both Yuka Saso and Caloy Yulo are deserving to be honored for their hard work and commitment to uplift Philippine sports around the world. And for bringing pride and joy to the country especially in this time of the pandemic, the PSA pays homage by bestowing them the President’s Award,” pahayag ni association president Rey C. Lachica, sports editor ng Tempo.
Sina Yulo at Saso ay kabilang sa 2021 awardees na pararangalan sa event na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC), at Cignal TV bilang major backers.
Ang unang Olympic gold medal winner ng bansa na si Hidilyn Diaz ang tatanggap ng coveted Athlete of the Year award na nag-iisang ipinagkakaloob ng pinakamatandang media organization sa bansa.
Ang special event ay gaganapin sa Diamond Hotel at itinataguyod ng Philippine Basketball Association (PBA), MILO, 1 Pacman, Rain or Shine, ICTSI, Chooks To Go, Smart, Philippine Racing Commission (Philracom), at ng MVP Sports Foundation.