PSA PRESIDENT’S AWARD SA GILAS PILIPINAS

NAPAGTAGUMPAYAN ng Gilas Pilipinas ang maraming pagsubok at naging isa sa pinaka-inspiring sports stories ng 2023.

Dali-daling binuo, ang koponan sa ilalim ni last-minute, anointed coach Tim Cone ay nagtungo sa Hangzhou, China para sa 19th Asian Games na walang ekspektasyon sa gitna ng mga pangyayari at karanasan na pinagdaanan nito ilang linggo bago ang pinakamalaking sporting conclave ng mga bansa sa rehiyon.

Subalit nagpursige ang Filipino cagers, at naitala ang isa sa pinakamalaking comebacks sa kasaysayan ng Asian Games tungo sa pagbawi sa gold medal na nakahulagpos sa bansa sa nakalipas na 61 taon.

Ang natatanging tagumpay na ito ay nagbigay ng karangalan sa mahigit 100 milyong Pilipino at nagbalik sa ‘pride’ at paniniwala sa Philippine basketball na itinuturing pa rin na isa sa pinakamahusay sa Asya.

Sa January 29 sa grand ballroom ng Diamond Hotel, ang buong Gilas Pilipinas team ay gagawaran sa San Miguel Corporation (SMC)-PSA Annual Awards Night ng 2023 President’s Award.

“They made the nation proud with their epic feat and inspiring story that will be told and retold for years to come,” wika ni PSA president Nelson Beltran, sports editor ng The Philippine Star.

Bago ang Asiad, si Cone na humalili kay Chot Reyes, ay may tatlong linggo lamang upang ihanda ang isang koponan na pinanatili lamang ang apat na players mula sa core na sumabak sa FIBA World Cup.

Hindi ito nakatulong nang matalo ang bansa sa Jordan sa  preliminaries, 87-62, na nagpuwersa sa mga Pinoy na ipanalo ang kanilang huling apat na laro upang makopo ang most-cherished gold.

Subaliit sa pagpapakita ng katatagan, nanalasa ang Gilas simula sa 80-41 pagdurog sa Qatar sa quarterfinal qualification, bago giniba ang hot-shooting Iran, 84-83, sa Final Eight.

Pagkatapos ay dumating ang milagro sa Hangzhou kung saan humabol ang national team mula sa 20-point second half deficit upang pataubin ang defending champion China sa semifinals, 77-76, sa likod ng dalawang incredible three-pointers ni Justin Browlee sa waning moments na nagpatahimik sa crowd sa Hangzhou Olympic Centre.

Kasunod ng malaking panalo, hinarap ng highly-motivated Gilas side ang Jordan sa championship round at naitala ang 80-70 payback upang masikwat ang unang Asiad basketball gold ng bansa sa loob ng mahigit anim na dekada o magmula nang pagharian ni late Hall of Famer Caloy Loyzaga at ng iba pa sa  Philippine squad ang 1962 edition ng  meet sa Jakarta, Indonesia.