TATLONG indibiduwal na nagkaroon ng malaking bahagi sa pagkumpleto sa produktibo at matagumpay na season ang nakatakdang parangalan ng Philippine Sportswriters Association (PSA).
Si Jack Danielle Animam at ang kanyang coach sa National University na si Patrick Aquino, kasama si Ateneo stalwart Thirdy Ravena ay tatanggap ng special awards sa nalalapit na SMC-PSA Annual Awards Night sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Si Ravena ang Mr. Basketball, habang sina Animam at Aquino ay magiging unang awardees ng Ms. Basketball at Coach of the Year honors mula sa pinakamatagal nang media organization sa bansa.
Ang tatlo ay bahagi ng mahabang honor roll list na pinangungunahan ng 2019 Athlete of the Year Team Philippines na gagawaran ng parangal sa grand March 6 ceremony na suportado ng Philippine Sports Commission, MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association, Rain or Shine at AirAsia.
Sina Animam at Aquino ay bahagi ng undefeated National University Lady Bulldogs na napalawig ang kanilang paghahari bilang UAAP women’s basketball champion kasunod ng isa na namang perfect season campaign.
Sinelyuhan ng koponan ang ika-6 na sunod na UAAP title sa pamamagitan ng isa pang 16-0 record, kabilang ang sweep sa University of Santo Tomas sa finals.
Sa kabuuan ay napalawig ng Bulldogs ang kanilang unprecedented winning streak sa 96 games sa loob ng anim na taon.
Si Aquino rin ang nanguna sa Gilas Pilipinas women’s 5-on-5 at 3×3 teams na nag-uwi ng golds sa nakalipas na 30th Southeast Asian Games.
Ginabayan ang Lady Bulldogs na pinangunahan ni Animam, iginiya ni Aquino ang Filipina cagebelles sa ibabaw ng podium sa unang pagkakataon nang pataubin ang long-time rival Thailand sa final game ng torneo, 91-71, na tumapos sa mahabang taon ng paghihirap ng Philippine women’s basket-ball.
Umulit sila sa inaugural 3×3 event kung saan pinataob din nila ang Thais, 17-13, para sa gold.
Sa parehong season ay napanatili rin ng Gilas Pilipinas women’s team ang puwesto nito sa Division A ng FIBA Women’s Asia Cup.
At si Ravena?
Ang Ateneo guard ay nagsilbing catalyst sa pagkumpleto ng Blue Eagles sa unprecedented 16-0 campaign sa UAAP Season 82 men’s basketball tournament.
Napanatili ng Ateneo ang varsity title nang walang talo kasunod ng two-game sweep sa University of Santo Tomas sa finals para sa kanilang ikatlong sunod na kampeonato.
Wala pang men’s team sa kasaysayan ng UAAP ang nagwagi ng korona na may perfect 16-0 record, at ang unang unbeaten champion squad magmula nang gawin ito ng UST (14-0) noong 1993.
Comments are closed.