PSA SPECIAL AWARDS KAY SCHROCK, PAGDANGANAN

Stephan Schrock

DALAWA pang outstanding Filipino athletes, sa katauhan nina Stephan Schrock at Bianca Pagdanganan, ang tatanggap ng special awards mula sa Philippine Sportswriters Association (PSA).

Si Schrock ay gagawaran ng Mr. Football award, habang si Pagda­nganan ay magiging kauna-unahang recipient ng Ms. Golf title sa SMC-PSA gala night sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.

Sasamahan nina Schrock, 33, at Pagdanganan, 22, sina Ms. at Mr. Basketball Jack Animam at Thirdy Ravena, Ms. at Mr. Volleyball Sisi Rondina at Bryan Bagunas, at Coach of the Year Pat Aquino sa mga gagawaran ng special awards ng pinakamatandang media organization sa bansa sa event  na suportado ng Philippine Sports Commission, MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association, AirAsia, at Rain or Shine.

Sa pagkopo ng overall crown sa 30th Southeast Asian Games, ang Team Philippines ang unanimous choice para sa coveted Athlete of the Year award.

Pinangunahan ni Pagdanganan ang two-gold romp ng Filipinas sa golf sa biennial meet nang mag­wagi sa women’s indivi­dual event at sa women’s team event sa pakikipagtambalan kay Lois Kaye Go.

Itinanghal na 2018 PSA Athlete of the Year (kasama sina fellow golfers Go at Yuka Saso, Hidilyn Diaz, at Margielyn Didal), si Pagdanganan ay nanalo rin sa  Hawkeye El Tigre Invitational sa Mexico noong nakaraang taon.

Isang gold medal winner sa 2018 Asian Games, ang Filipina golfer ay nag-aral sa Gonzaga University at kalaunan ay sa University of Arizona, na kanyang tinulungan na makopo ang NCAA Division 1 women’s golf championships sa parehong taon.

Isang sports and society major, si Pagdanganan ay naging pro noong nakaraang taon.

Samantala, tatanggapin ni Schrock ang kanyang ikalawang Mr. Football award makaraang masikwat ang kanyang una noong 2013.

Ang veteran midfielder ng Ceres Negros ay naging sandigan ng Philippine Azkals na kasalukuyang nasa transition, sa pagsisilbing captain ng U22 team sa  SEA Games na muntik nang umabot sa knockout stage.

Ang Fil-German player ay napili rin ng ASEAN Football Federation bilang isa sa recipients ng AFF Best XI Award sa AFF Awards na idinaos sa Hanoi, Vietnam.

Pinangunahan din ni Schrock ang Ceres Negros sa ikatlong sunod na Football League title at inihatid ang koponan sa ASEAN Zonal semifinals ng AFC Cup.

Kasama si goalkeeper Neil Etheridge, pinamunuan din ni Schrock ang kampanya ng Azkals sa 2022 FIFA World Cup at 2023 AFC Asian Cup joint qualifiers.

Comments are closed.