TIWALA si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richard Bachmann na mas maraming kabataang atleta ang madidiskubre at makikitaan ng husay ng National Sports Associations (NSAs) na posible nitong maibilang sa national developmental pool para sa malalaking torneo sa loob at labas ng bansa na sasalihan ng Pilipinas.
Dinaluhan ni Bachmann ang pagbubukas ng mga laro sa lawn tennis Linggo ng umaga sa Rizal Memorial Tennis Court bago nilibot ang iba pang pasilidad na nasa loob ng makasaysayang unang sports complex sa bansa na pagdarausan ng mga sports na lalaruin sa Batang Pinoy at Philippine National Games (BP-PNG).
“I am hoping that marami sa mga kasaling batang atleta natin ang mapipili at madiskubre ng mga NSAs natin. Natutuwa ako na makita ang maraming kabataang atleta natin na naglalaro dito sa ating mga pasilidad,” sabi ni Bachmann, matapos na maglibot sa pagdarausan ng weightlifting, swimming, badminton at 3×3 basketball na gaganapin sa Ninoy Aquino Stadium.
Samantala, magsisimula na ngayon ang eliminasyon at mga medal event ng kabuuang 25 sports na nakataya sa kambal na torneo na magkasabay na gaganapin sa unang pagkakataon sa kasaysayan.
Siyam na gintong medalya ang nakatakdang paglabanan sa Batang Pinoy weightlifting, tampok ang 12U Boys 32kg., 12U Boys 37kg., 12U Girls 30kg., 13-15 Boys 37kg., 12U Boys 43kg., 16-17 Men’s 43kg., 13-15 Boys 43kg., 12U Girls 35kg., at 13-15 Girls 35kg.
Nagsimula na rin ang aksiyon sa Batang Pinoy Boys at Girls Lawn Tennis kung saan unang nagwagi si Lorenz De Jesus ng Rizal laban kay Kyle Andrei Saga ng Bukidnon, 6-4,-61, habang namayani si Sabine Dasha Chan See ng Pasig, 6-3, 6-0, kontra Maria Janine Cadiz ng Caoayan.
Wagi si Lance Kim Lesaca ng Zambales kontra Glo John Manito ng Cebu City, 6-0, 6-0, habang panalo si Cyrus Nathaniel Ogaob ng Zamboanga Del Sur laban kay Mark Lorence ng Manikina, 6-0-6-1. Tinalo ni Adam Dane Tiongson ng Nueva Viscaya si Daniel Jose Neri ng Mandaue City sa super tie break, 4-6, 7-6, at 10-9. Nanalo si Christine Mae Gula-Gula ng Dapitan kay Jasmine Jaran ng La Carlota, 6-4, 6-3.
CLYDE MARIANO