BUMUHOS ang magkakahalong reaksiyon sa social media posting ni Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz makaraang umapela siya ng financial support para sa kanyang 2020 Tokyo Olympic Gold bid.
“The government has been very supportive, “ wika ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Butch Ramirez bilang sagot sa mga katanungan hinggil sa sinasabing kawalan ng suporta ng gobyerno kay Diaz.
Ayon kay Ramirez, si Diaz ay tumatanggap ng isa sa pinakamalaking allowances sa national pool at ang kahilingan nito ay bihirang tanggihan ng Board na laging sumusuporta sa kanyang Olympic journey.
“For this year alone, the PSC has given almost 4.5 Million to fund her foreign trainings in Hainan and Guangxi in China, the agency is also paying her foreign coach Julius Kaiwen Gao’s monthly salary and food allowance,” sabi pa ng PSC chief.
Ani Ramirez, ang kahilingan ng NSA ni Diaz para sa pondo sa mga kumpetisyon ay inaprubahan din. Bukod dito, isang bagong weightlifting gym ang itinayo rin sa RMSC makaraang ireklamo nito ang lumang gym na kanilang ginagamit.
“Hidilyn receives support from the PSC and the Philippine Airforce being an enlisted personnel,” paglilinaw pa ni Ramirez.
Dagdag pa ni Ramirez, sa kanilang pagkakaalam ay tumatanggap din si Diaz ng suporta mula sa mga pribadong kompanya tulad ng MVP Foundation at Alcantara and Sons.
“I do not think government was remiss of its support to Hidilyn. Despite what it seems, we at the PSC choose to see her for what she is, a champion we will support on her dream to achieve more,” ani Ramirez, at idinagdag na mas makabubuting bisitahin sila ni Diaz para makapag-usap sila at maliwanagan ang mga bagay-bagay.
Nauna rito ay sinabi ni Diaz na kailangan niya ng financial support sa gitna ng kanyang paghahanda para sa 2020 Tokyo Olympics.
“Is it okay to ask sponsorship sa mga private companies towards Tokyo 2020?” ani Diaz.
“Hirap na hirap na ako,” pag-aamin niya. “I need financial support.”