PUSPUSAN na ang ginagawang paghahanda ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) at PhilSports Complex upang gawin itong 100% operational ngayong taon bilang main training venues ng national team.
Ayon kay PSC Chairman Noli Eala, titiyakin ng ahensiya na makapagbibigay ito ng serbisyo sa national team at grassroots partners, kabilang ang paghahanda sa mga pasilidad nito para sa training at competitions.
“We are excited to see the national athletes back in training in these facilities,” ayon sa sports chief.
Kasalukuyang isinasagawa ang repairs at rehabilitation sa dalawang major facilities ng RMSC — Rizal Memorial Coliseum (RMC) at Ninoy Aquino Stadium (NAS) makaraang magsilbing government quarantine facilities at medical centers para sa COVID-19 patients noong 2020. Naibalik sa Armed Forces of the Philippines ang kontrol sa mga pasilidad noong nakaraang July 19.
Ang RMSC Baseball and Softball Field, Tennis Center, Swimming and Diving Pool, Wushu and Wrestling Gyms, Billiards and Judo Hall ay kasalukuyang ginagamit ng mga miyembro ng national team para sa kanilang pagsasanay. Bukas na rin ang newly constructed Squash Center para sa national athletes
Ang Track and Football Stadium na naging host sa AFF Women’s Championship 2022 noong nakaraang July ay kasalukuyang pinagdarausan ng mga laro ng Philippine Football Federation-sanctioned Philippine Football League na tatagal hanggang October.
Ang iba pang pasilidad, kabilang ang RMC, Badminton Hall, at Table Tennis Center, ay inihahanda na rin at isasailalim sa inspection at general cleaning activity para muling makapag-operate ng 100 percent. Tanging ang NAS ang mananatiling sarado hanggang September 30 ngayong taon.
Ang PhilSports’ Multi-Purpose Arena sa Pasig City ay ibinalik na sa PSC ng Philippine National Police noong nakaraang June.
Ang Philsports Complex Fencing Hall, Swimming Pool, Track and Field Oval at Football Field, ay ginagamlt para sa training ng national abled at para-athletes. Magsasalo ang Kurash at Karatedo teams sa training facilities sa 2nd floor ng Philsports PSC Dining Hall.
Sa kasalukuyan, ang mga miyembro ng national track and field at fencing teams ay tumutuloy sa PhilSports dormitories.
CLYDE MARIANO