MATAAS ang kumpiyansa ng Philippine Sports Commission (PSC) na mareresolba sa lalong madaling panahon ang mainit na isyu sa World Anti-Doping Agency (WADA), na naglagay sa bansa sa panganib na masuspinde sa international competitions.
Mismong sina PSC chairman Richard Bachmann at executive director Paulo Tatad, kasama si Philippine National Anti-Doping Organization (PHI-NADO) officer Nathan Vasquez, ang nagbigay ng katiyakan sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Rizal Memorial Sports Complex nitong Martes.
“We are working with Malacanang with the legislative requirements of WADA. The help of Malacanang is greatly appreciated,” sabi ni Bachmann sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, PLDT/Smart, at ArenaPlus.
Upang matiyak na makasusunod ang bansa sa lahat ng WADA requirements, sinabi ni Bachmann na kailangang payagan ang PHI-NADO, na kulang sa mga tauhan sa ngayon, na maging ganap na independent at operational group sa mga tauhan na makapagbibigay ng serbisyo sa libo-libong atleta sa national pool.
“Right now ang trato namin sa PHI-NADO is like an NSA. We just fund them. Siguro dapat independent na sila,” sabi ni Bachmann, tinukoy ang kahalagahan ng buong suporta ng Malacanang, lalo na sa pagpopondo.
“A perfect example is Indonesia which was non-compliant in 2021. They were forced to establish their own organization (like PHI-NADO),” ayon kay Vasquez.
Ang isyu ay naging mainit nang sumulat ang WADA sa PSC noong nakaraang Enero matapos ang naunang notice noong Setyembre ng nakaraang taon dahil sa umano’y pagkabigo nitong tumalima sa WADA code. Ang kabiguang positibong tumugon sa loob ng 21 araw ay maaaring magresulta sa suspensiyon ng Pilipinas sa international events tulad ng Southeast Asian Games, Asian Games at maging sa darating na Paris Olympics tulad ng ibinabala ng Philippine Olympic Committee (POC).
Iniapela ng Pilipinas ang aksiyon ng WADA, at ang isyu ay iniakyat sa Court of Arbitration in Sports (CAS).
Sinabi ni Bachmann na ginagawa ngayon ng PSC, PHI-NADO, na nangangasiwa sa anti-doping education sa bansa, at ng lahat ng stakeholders ang lahat ng kanilang makakaya para matiyak na mareresolba ang isyu bago pa man bumisita ang WADA representatives sa bansa sa susunod na buwan.
“Other countries within Southeast Asia are also experiencing it right now. That’s why we would look at this as an opportunity. Now we have the stakeholders that are more conscious on what needs to be done,” sabi ni Tatad.
“The Office of the President is helping us and the POC and the NSAs (national sports associations) are more collaborative. If we have that in place, rest assured we will not have this administrative issues moving forward,” dagdag pa niya.. Sinabi ng PSC na patuloy sa kanilang kampanya ang Filipino athletes na umaasang mag-qualify sa Paris Olympics sa Hulyo.
“Nothing is jeopardized. And we are confident that this will be resolved. But we need to prove ourselves,” dagdag ni Tatad.
CLYDE MARIANO