PORMAL na kinumpirma ng Philippine Athletics Track And Field Association (PATAFA) ang paglahok nito sa mediation process na ipinatawag ni Philippine Sports Commission (PSC) chair William ‘Butch’ Ramirez para maresolba ang alitan ng national sports association at ni Olympic pole vaulter Ernest John ‘EJ’ Obiena.
Sa isang liham na ipinadala kay Ramirez ni PATAFA board of trustees member Datu Yusoph Mama nitong Martes, nabatid na sina PATAFA president Popoy Juico, legal counsel Aldrin Cabiles, at Alfonso Sta. Clara ang kakatawan sa national sports association sa mediation.
Sa kanyang liham, iginiit ni Mama ang naunang desisyon ng PATAFA na ipagpaliban ang parusang nakatakda nitong ipataw kay Obiena, kabilang ang pagpapatalsik dito sa national team at paghahain ng kasong estafa complaint, hanggang Jan. 19.
Hindi pa kinukumpirma ni Obiena ang kanyang paglahok sa mediation, bagaman sa kanyang liham kay Ramirez ay sinabi niyang nakahanda siyang sumailalim sa proseso.
Si Obiena ay sumailalim sa knee surgery, na maaaring nagpaantala sa kanyang pormal na pagpasok sa mediation.
Naniniwala si Ramirez na ang mediation process ang tanging paraan para maresolba ang hidwaan sa pagitan nina Obiena at PATAFA, na nag-ugat sa liquidation issue. PNA