NAGPAKITA ng suporta ang Philippine Sports Commission (PSC) sa programa ng pamahalaan laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng pag-donate ng mahigit sa 500 laptops sa workforce ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, kabilang ang Inter-Agency Task Force (IATF).
Tatanggapin ng Office of the President – Presidential Management Staff (PMS) sa pamamagitan ni Assistant Secretary Joseph Encabo ang 300 laptops at panibagong 100 para sa COVID-19 technical working group sa pamamagitan ni IATF Deputy Chief Implementer Vince Dizon.
Nakatakda ring tumanggap ang Balik Probinsya, Bagong Pag-Asa Program (BP2) ni Senador Christopher Lawrence Go ng ilang units para sa kanilang programa.
Ayon kay PSC Chief of Staff at National Training Director Marc Velasco, agad na inaprubahan ng board ang donasyon.
“These are units used during the country’s hosting of the Southeast Asian Games last year, they will be put to good use with these donations,” paliwanag ni Velasco.
Sa isang liham kay PSC Chairman William Ramirez, hiniling din ni Encabo, na siya ring head ng Hatid-Tulong Initiative, ang tulong ng ahensiya sa pagpapadala ng volunteers na itatalaga sa loob ng dalawang linggo sa ilalim ng PMS para tumulong sa pagproseso ng pagpapauwi sa stranded individuals.
“This will help fast track our actions on the concerns of the LSIs (Locally-Stranded Individuals),” sabi ni Encabo sa kanyang liham.
Ang Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) ay magsisilbi ring venue para sa transportation services ng programa sa July 25-26. CLYDE MARIANO
Comments are closed.