Mula sa kaliwa ay sina Zamboanga City Sports Development Officer Dr. Cecilia Atilano, PSC Consultant Prof. Elbert ‘Bong’ Atilano, Sr., PSC Commissioner Edward Hayco, UCV President Esther Susan Perez-Mari, Cagayan Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, at City Councilor Tirso Mangada
PATULOY ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pagbisita sa mga lungsod at probinsya sa buong bansa upang iparating ang kanilang mandato hinggil sa grassroots sports program ng bansa.
Sa pagkakataong ito ay nagtungo ang PSC sa Tuguegarao City sa Cagayan Province upang makipagpulong sa sports leaders sa buong rehiyon sa University of Cagayan Valley.
Nangako si Commissioner Edward Hayco sa mga sports leader na dumalo na magiging armas ng ahensiya sa paghahatid ng grassroots agenda sa rehiyon.
“To all the sports leaders here, being an ordinary person or coach can do extraordinary things. All of you can produce Olympians in the future,” sabi ni Hayco.
Ang summit ay kabilang sa multiple visits ng ahensiya sa iba’t ibang lugar sa bansa na nagsimula sa Legazpi City kung saan hiningi ng PSC ang tulong ng Private Schools Athletic Association (PRISAA) sa pagpapatupad ng kanilang grassroots program, na sinundan ng summits sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur at Angeles City sa Pampanga.
Binigyang-diin ni Hayco ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ugnayan sa PRISAA at iba pang sports-based associations tulad ng State Colleges and Universities Athletic Association (SCUAA) at Palarong Pambansa ng Department of Education sa pagtuklas ng mga batang atleta upang maging bahagi ng national pool.
Bago ang Tuguegarao City summit, binigyang-diin ni PSC Chairman Richard Bachmann sa Angeles City summit na ang naturang mga organisasyon ay nakatulong nang malaki sa pagpapatupad ng mandato ng ahensiya at sa paghikayat sa mga batang atleta na tuparin ang kanilang mga pangarap.
Sinang-ayunan ni University of Cagayan Valley President Esther Susan Perez-Mari ang mensaheng ipinarating ng mga PSC official at nangakong magiging isa sa grassroots hubs sa rehiyon
“The grassroots program is, in essence, the development of sports without borders. Ang gagawin po natin ay isasali din natin kahit yung mga nasa public schools. It is our goal for inclusivity,” sabi ni Perez-Mari
Tampok sa summit ang pagsisimula nina national cager June Mar Fajardo at Tokyo Olympic gold medalist Hidilyn Diaz sa grassroots level at ang overview ng Philippine sports, kabilang ang legal basis na tinalakay nina PSC consultants Bernardino Ricablanca, Jr, at Prof. Elbert ‘Bong’ Atilano. Sr., ayon sa pagkakasunod.
CLYDE MARIANO