PSC NAGPASAKLOLO SA NBI SA ‘PAYROLL PADDING’ ANOMALY

HINIHINTAY ng Philippine Sports Commission (PSC) ang resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y ‘payroll padding’ anomaly na natuklasan ng ahensiya.

Ayon kay PSC officer-in-charge Ramon Fernandez, agad na umaksiyon ang ahensiya makaraang alertuhin sa ‘red flags’ ng Land Bank of the Philippines.

“Sa sistema ng bank kasi, mayroon silang red flags na tinatawag. When they saw that there was too much money already being transferred to his bank account, and money withdrawn from his account, considering his employment status with the PSC, he was getting so much money, red flag ‘yan,” wika ni Fernandez sa isang press conference kahapon.

Aniya, sinulatan na nila ang NBI para hingin ang tulong nito.

“We would like to thank the NBI for acting very swiftly. We’re just awaiting the result of their inquest, magkakaroon ng inquest today. We’re waiting for the results of their investigation.”

Isang empleyado ng personnel department ng sports agency ang nasa likod umano ng payroll padding scheme.

Ayon kay Fernandez, natuklasan na ang nasabing empleyado, na na­ngangasiwa sa paghahanda ng payroll ng national athletes at coaches bago ito isumite sa bangko, ay nagdaragdag ng pangalan ng mga atleta at coach na hindi na kasama sa listahan ng PSC.

Naniniwala, aniya, sila na ang anomalya ay nagsimula noon pang 2015.

“Just like any story about this, greed came in. In the beginning I suppose paisa-isa lang ang pinapasok niya but lumaki anng lumaki,” ani Fernandez. “Hindi niya alam na may mga red flags ang mga bangko.”

Inaalam ngayon ng PSC kung ang empleyado ay mag-isa lang o may mga kasabwat.

“We want to get to the bottom of this,” ani Fernandez. “There will be no stone left unturned.”

Si Fernandez ay itinalagang OIC ng PSC habang nakabakasyon si Chairman William ‘Butch’ Ramirez para alagaan ang may sakit nitong maybahay.

Comments are closed.