PSC SUPORTADO ANG TOKYO BID NG NAT’L PARA-ATHLETES

Ernie Gawilan

KASUNOD ng pagkuwalipika ni Asian Games gold medallist Ernie Gawilan sa Tokyo 2020 ay higit na pag-iibayuhin ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pagsuporta sa National Paralympic Team para ma­dagdagan pa ang mga qualifier.

Nakopo ni Gawilan, isa sa bemedalled para swimmers ng bansa, ang slot na ipinagkaloob ng International Paralympic Committee sa pamamagitan ng kanyang qualifying points mula sa mga kumpetisyon tulad ng 2018 Asian Para Games at  2019 World Para Swimming Championships.

Tuloy-tuloy ang suporta ng PSC sa kampanyang ito sa pamamagitan ng pagkakaloob sa Philippine Sports Association for the Philippine Paralympic Committee (PPC) ng financial aid at foreign exposure para sa mga atleta nito.

Si Gawilan, bilang bahagi ng National Paralympic Swimming Team, ay kasalukuyang nagsasanay sa newly-built Aquatic Center sa New Clark City, Capas, Tarlac at suportado ng sports agency.

Para sa buwan ng Enero pa lamang, ang PSC ay nakapagbigay na sa national para swimming team, women’s basketball team at para-sitting volleyball team ng halos P800,000 para sa kanilang traning venue rental, allowances, meals at accommodation expenses.

Ayon sa PPC, may tiyansa rin si Gary Bejino, isa pang promising bet para sa para-swimming, na makasambot ng puwesto sa Tokyo 2020 dahil marami pang slots ang bubuksan sa bisa ng bipartite process. Posible rin ito para sa iba pang mga atleta sa ibang sports.

“We are expecting more slots to be opened by each international federation (IF) per sport,” wika ni PPC Executive Director Dennis Esta.

Umaasa ang PSC na mas marami pang atleta ang magkukuwalipika sa nalalapit na quadrennial multi-sport event.

Comments are closed.